Tapos na ang kontrata ni Arwind Santos sa NorthPort noon pang nakaraang buwan at malaya na siyang mamili na maglaro sa koponan na kanyang gustong salahin – mapa-PBA man, sa ibang bansa o sa ibang liga.
Pero ang Pampanga Giant Lanterns, ang team na isa sa maituturing na contenders sa Maharlika Pilipinas Basketball League, ang inaasahang destinasyon ng beteranong forward.
Kinumpira ng manager ni Santos na si Danny Espiritu ang napipintong pagsama ng kanyang player sa koponan na pag-aari ni Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda.
“Noong August 31 pa natapos ang contract niya,” ang sabi ni Espiritu. “Pero dahil sa ruling ng PBA, kailangan maghintay ang player ng isang buwan para maging unrestricted free agent. If wala siyang offer sa loob ng isang buwan, mari-release na siya ng team at puwede na maglaro maski saan.”
Isa si Santos sa mga maaasahang players ng NorthPort, pero dahil sa mga nangyayaring lipatan ng mga players ng koponan, naapektuhan ang kanilang standing bilang isa sa mga maituturing na potential contenders sa mga nakalipas na taon.
Ang pag-alis ni Robert Bolick noong huling parte ng nakaraang season ang maituturing na pinakamalaking kawalaan sa Batang Pier. Siya ay nakatakdang maglalaro sa Japan B. League.
Si Bolick ang top playmaker at pinakamagaling kumamada ng puntos sa Batang Pier sa mga nakalipas na taon.
Ang napipintong pag-alis ni Santos ay magkakaroon rin ng matinding epekto sa koponan na pag-aari ni Congressman Mikee Romero.
Para naman kay Santos, ang paglipat niya sa koponan ng Pampanga sa MPBL ay hudyat ng kanyang napipintong reunion kay Governor Pineda, na siyang nakatuklas at nagbigay ng magandnag break sa kanya sa larangan ng basketball.
Bago pa man tumulak sa Maynila si Santos para maglaro sa koponan ng Far Easten University, player na siya ni Governor Pineda noong araw.
Ang pagkuha kay Santos ay hinihingi ng pagkakataon bunsod na rn sa nalalapit na playoffs kung saan isa sa mga maituturing na title contenders ang Pampanga.
Kahit noong naglalaro pa ang beteranong forward sa PBA, inilagay na rin siya ng Pampanga sa line up bago pa magsimula ang MPBL season.
Bago pa si Santos, isang dating PBA star rin ang sumali na sa Pampanga – si dating Phoenix Fuel star Encho Serrano.
Gaya ni Santos, isa ring Kapampangan si Serrano na piniling huwag na pumirma ng contract extension sa kanyang dating koponan sa PBA at lumipat na lang sa Giant Lanterns sa MPBL kung saan siya na ang itinuturing na isa sa mga franchise players ng koponan kasama si Justine Baltazar.
Ang napipintong pagsali ni Santos, dating MVP sa PBA na nagawa ring manalo ng siyam na titulo at maraming beses na napabilang sa All-Defensive Team, ay tiyak na magbibigay ng karagdagang tikas sa Giant Lanterns. (REY JOBLE)