Hindi alintana ng mga guro at health care workers ang pagod at hirap sa pagganap sa kanilang tungkulin at nagkakaroon pa sila ng oras upang maglunsad ng kilos-protesta tuwing Biyernes upang manawagan ng dagdag na sahod at huwag tapyasan ang hirit na budget ng Department of Education at Department of Health.
Kasama rin sa kanilang kahilingan ang pagbasura sa confidential at intelligence funds na umaabot sa mahigit sampung bilyong piso.
Sa pagtataya ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang P50-B budget para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization ay puwedeng magpatayo ng 20,000 bagong silid-aralan, makapagpakumpuni ng 100,000 bulok na klasrum, makabili ng 429, 184 piraso ng armchairs at 1,426,675 laptops.
Habang ang P10. 26-B budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay maaaring makapagpatayo ng 4,136 new classrooms, magkumpuni ng 20,680 dilapidated classrooms, makabili ng 88,755 sets of armchairs at 295, 036 laptops.
Sa P10.14-B Confidential and Intelligence Funds ng executive department ay puwedeng magtayo ng 4,056 new classrooms, mag-repair ng 20,280 dilapidated classrooms, bumili ng 87, 038 sets of armchairs at 289,329 laptop.
Habang umabot sa P13.994-B ang tinapyas sa budget sa ilang ospital at health agencies.
Kung may katotohanan na “on his way out” na sa opisyal na pamilya si Finance Secretary Benjamin Diokno ngayong Oktubre, baka puwede na niyang isama sa pag-alis si Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ang kanilang tambalan sa economic team ay hindi maganda ang ibinunga sa kalagayan ng iba’t ibang sektor, partikular sa edukasyon at kalusugan.
Mahaba- haba na rin naman ang pinagsamahan nila at hindi na siguro kalabisan kung tutuldukan na ang kanilang panunungkulan sa gobyerno.
“We serve at the pleasure of the President,” madalas sabihin ng presidential appointees kapag tumatagilid sa puwesto.
Sapat na siguro ang Friday habit ng mga guro at health care workers para malaman ng Pangulo ang tunay na sitwasyon nila at ibagsak na ang palakol sa mga walang kuwentang ipinuwesto niya sa gobyerno.