Posibleng magkaroon ng malaking tapyas sa presyo ng gasolina sa susunod na linggo, habang wala namang paggalaw o kaya naman ay bahagyang tataas ang halaga ng diesel.
Batay sa datos ng apat na araw na Mean of Platts Singapore (MOPS) trading, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na magkahalo ang inaasahan nilang magiging paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa opisyal, P1.60 hanggang P1.90 per liter ang posibleng mababawas sa presyo ng gasolina. Posible namang hindi magbago o kaya ay umangat ng hanggang P0.20 per liter ang diesel.
Nasa P0.40 hanggang P0.60 per liter naman ang posibleng maging tapyas sa presyo ng kerosene.
Hanggang P2.00 per liter naman ang nakikita ng oil industry source na posibleng mabawas sa presyo ng gasolina. Samantalang hanggang P0.30 per liter naman ang nakikita niyang magiging dagdag sa presyo ng diesel.
Maaari pang bahagyang magbago ang pagtaya sa paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo batay sa kalalabasan ng kalakalan sa pandaigdigang merkado ngayong Biyernes.
Ayon kay Romero, ang inaasahang rollback sa fuel pump prices ay bunga ng, “elevated interest rates, higher US dollar, and the relaxation of Russia’s fuel import ban.”
Pero paalala rin ng opisyal, “prices are still volatile and we need to manage our expectations.”
Inihayag din ni Romero na may epekto sa presyuhan ng krudo ang desisyon ng Russia at Saudi na tapyasan ang kanilang produksyon ng langis hanggang katapusan ng December 2023.
“Added to it, are the fall of the US stockpile contributing to worries of tight global supplies and unexpected strong demand from China,” sabi ni Romero.
Mula noong Enero, umabot na sa P17.30 per liter ang net increase sa presyo ng gasoline, P13.40 per liter sa diesel, at P9.44 per liter sa kerosene.