Naunsiyami ang masayang picnic ng isang pamilya sa Mexico nang istorbohin sila ng isang itim na oso at makisalo sa baon nilang pagkain.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nangyari ang insidente noong nakaraang Lunes sa Chipinque Ecological Park.
Makikita na naiwan sa tabi ng lamesa ang isang mag-ina na hindi na nagawang makatayo nang dumating ang oso.
Sumampa ang hayop sa lamesa at nilantakan ang baon nilang pagkain.
Halos hindi gumagalaw ang mag-ina para hindi maalarma ang oso habang busy sa pagkain at baka atakihin sila.
Tinakpan na rin lang ng ina ang mga mata ng bata para hindi matakot sa oso na tila sarap na sarap sa baon na pagkain ng pamilya.
Nang maubos na ang pagkain, lumipat pa ang oso sa karugtong na lamesa na may isang babae rin na nakaupo at hindi rin gumagalaw.
Pero dahil wala namang pagkain sa kabilang lamesa, tahimik na bumaba na lang ang oso at umalis.
Ayon sa pamilya, dati na silang nagpupunta sa parke at iyon ang unang pagkakataon na may nakisalo sa kanilang oso.
Sinabi naman ng mga awtoridad, na maaring nakihayat ang oso sa amoy ng pagkain. Kaya naman nagpayo sila sa ibang namamasyal na huwag nang magdala ng pagkain sa parke.