Tumatabo sa takilya ng Tsina ang isang pelikula tungkol sa kontrobersyal na trabahong online scamming sa isang bansa sa Timog-Silangang Asya.
Ngunit hindi nagustuhan ng hunta sa Myanmar ang pagpapalabas ng “No More Bets” na kumita na ng 3.8 bilyong yuan simula Agosto upang maging ikatlong pinaka-popular na pelikula sa Tsina ngayong taon.
Ipinahayag ng consul-general ng Myanmar sa Nanning ang pagkadismaya ng hunta sa mga opisyal ng Guangxi region ngayong linggo, ayon sa dyaryo na Global New Light of Myanmar.
Ayon sa mensahe ng hunta, ang istorya ng “No More Bets” at patungkol sa Myanmar.
Sa thriller movie, isang computer programmer na kinuhang magtrabaho sa isang di-pinangalanang bansa ay pinilit ng isang sindikato na manloko ng kapwa Tsino sa Tsina sa pamamagitan ng online scam.
Ang setting ng pelikula ay kahawig ng hilagang bahagi ng Myanmar kung saan talamak ang pagre-recruit ng mga Tsino na kalaunan ay pwersahang pinagtatrabaho bilang online scammer na bumibiktima ng kanilang kababayan.
Bago ipalabas ang “No More Bets,” sinabihan ng Beijing ang hunta ng Myanmar na buwagin ang mga online scam center na bumibiktima ng mga Intsik.
Hindi pinalalabas ang pelikula sa Myanmar.