Naghain ng reklamo ang opisina ng Equal Employment Opportunity Commission ng Estados Unidos laban sa kumpanyang Tesla dahil umano sa diskriminasyon nito sa mga trabahador nitong African-American.
Ayon sa reklamong inihain nitong Huwebes, dumanas ng madalas na pamimintas ng lahi o racism, pang-iinsulto at pambu-bully ang mga Black workers ng Tesla sa planta nito sa Fremont, California mula 2015.
Gumanti rin umano ang kumpanya sa mga mangagawang nanlaban sa pang-aabuso sa kanila, ayon sa isinampang reklamo.
Sila ay binigyan ng di-magandang toka o shift. May iba na tinanggal sa pwesto.
“Madalas, umiiral, hindi tama, hindi gusto at nangyayari sa lahat ng shift, departamento at posisyon ang racial misconduct,” pahayag ng komisyon.
Ilan sa mga insultong dinanas ng mga biktima ay ang tawagin sila ng N-word, “unggoy” at “boy.”
May mga racist graffiti rin sa planta na patama sa kanila tulad ng swastika, taling pambitay at mga banta, ayon sa reklamo.
Ang ibang graffiti ay nakalagay rin sa mga kotseng nasa production line.
Nakita ng mga supervisor at manager ang mga pang-aabuso ngunit hindi sila nakialam at bigo ang Tesla na humakbang upang tugunan ang misconduct, dagdag pa ng reklamo ng EEOC.
Humihingi ng danyos ang mga biktima sa Tesla sa kanilang dinanas at inuutusan ang kumpanyang pag-aari ng bilyonaryong si Elon Musk na tigilan ang racism sa planta nito.