Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sinuspinde ang land agreement nito sa kontrobersyal na Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na umookupa sa isang bahagi ng lupa na nagsisilbing headquarters nito habang isinasagawa ang imbestigasyon sa umano’y paglabag nito.
Sinabi ng DENR sa isang kalatas na naglabas si Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ng Letter of Suspension sa SBSI habang umuusad ang pagsisiyasat sa “gross violation” nito sa “terms and conditions” ng Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA).
PACBRMA ay isang kasunduan na pinasok ng DENR at “organized tenured migrant communities or interested indigenous people” sa protected areas at buffer zones, na may terminong 25 taon at renewable ng dagdag na 25 taon pa.
“The DENR will work with the Department of Interior and Local Government, Department of Social Welfare and Development, the Department of Human Settlements and Urban Development, the Provincial Government of Surigao del Norte and other authorities to ensure the smooth and peaceful enforcement of the suspension notice; and the possible resettlement of the occupants,” sabi sa DENR statement.
Nagsasagawa rin ng imbestigasyon ang Senado kaugnay sa mga alegasyong sangkot ang SBSI sa mga gawaing kulto gaya ng child marriage, rape, at iba pa.
Nakasusuka ang mga rebelasyon sa Senado ng mga biktima ng mga naturang gawain ng SBSI.
Hindi natin malaman kung saan kumukuha ng kapal ng mukha at tapang ng apog ang liderato nito na humarap sa Senado at itanggi ang mga akusasyon.
Sinabi ng DENR na ang SBSI ay pinagkalooban ng isang PACBRMA noong 2004, na sumasakop sa 353 ektarya ng lupain sa northeast part ng Barangay Sering, overlooking sa northeast portion ng Bucas Grande Island.
Mula pa noong 2019, ayon sa DENR ay ibinisto na ang umano’y mga alegasyon ng SBSI sa PACBRMA, kasama ang “restricting entry in the area, establishment of checkpoints and military-like training, establishment of structures within the PACBRMA area, as well as the resignation of teachers, uniformed personnel and barangay officials.”
Dahil sa lantarang pagsisinungaling ng lider ng kulto na si Jey Rence Quilario at mga kasapi na sina Mamerto Galanida, Janeth Ajoc at Karren Sanico sa Senate hearing, ipinakulong sila nina Sens. Risa Hontiveros at Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado.
Hinihintay ng publiko na uusad ang mga kasong kriminal laban sa kanila habang nakapiit sa Senado hanggang ilabas ng hukuman ang warrant of arrest kaya’t wala na silang kawala.
Marami ang nagtataka kung bakit noong panahon ni Dela Rosa bilang Philippine National Police (PNP) chief ay hindi niya nabuwag ang kulto, lalo na ang armadong grupo nito.
Dahil ang pugad ng kulto ay isang isla, malaki ang posibilidad na pinatakbo ng “drug money” ang operasyon ng SBSI.
Hindi natin maintindihan kung mahina ang “intelligence network” ni Dela Rosa noong siya’y aktibo pa sa serbisyo at hindi niya “naamoy” ang mga illegal na aktibidad ng SBSI.
Kunsabagay, mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte nga ay nanatiling malapit na kaibigan ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy kahit nahaharap siya sa tambak na kaso sa Amerika gaya ng human rights violations, child sex trafficking, fraud at iba pa.
Pinatawan ng sanction ng Department of Treasury’s Office of Foreign Assets Control (OFAC) ng Estados Unidos si Quiboloy dahil sa mga pang-aabuso umano sa karapatang pantao, kasabay ng pagdiriwang ng International Anti-Corruption Day and Human Rights Day noong 2022.
Magiging sakit sa ulo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang napipintong extradition sa US kay Quiboloy sa unang quarter ng 2024 at malaki ang impact sa imahe ng Filipinas ang mga kasong ito.
Kaya’t maaaring magkaroon ng dilemma si Marcos Jr., sa pagpapasya kung papayagan ang extradition ng KOJC founder sa gitna ng pagbabangong puri na ginagawa ng kanyang administrasyon sa international community.