Karamihan sa mga Pilipino ang talaga namang excited sa pagpasok ng ‘Ber months.’
Kaya pagsapit pa lamang ng September nagsisimula na tayong makarinig ng mga awit ng Pasko partikular sa malls.
Naglalagay na rin sila ng mga palamuti na lalo pang nagpapasaya sa paligid.
Lumalabas na muli ang mga meme nina Jose Mari Chan at Mariah Carey, hudyat na ito ng papalapit na pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.
Isa nga marahil ang Pilipinas sa may pinakamahabang paghahanda para sa pinakamasayang selebrasyon sa bansa , ang Kapaskuhan .
Marami sa mga Pinoy ang Katoliko kaya ang Pasko o ang araw ng pagsilang ni Jesus ay isa sa pinakamahalagang bahagi ng pananampalataya .
Pero bukod sa pagkakaroon ng Christmas bonus at dagsa ng mga regalo ,bakit nga mas napaaga talaga ang paghahanda para sa kapaskuhan ngayon?
Naniniwala ako na nasabik ang mga tao matapos halos ang dalawang magkasunod na taon, 2020 at 2021, na hindi naging kasing saya at ingay ang selebrasyon ng holiday season na ating nakasanayan dahil sa pandemya o pagkalat ng nakamamatay na sakit ang corona disease o Covid 19.
Nakasanayan ko na nagsisimulang maglagay ng dekorasyon para sa Pasko ang pamilyang Pilipino sa bawat tahanan pagkatapos pa ng All Saints Day.
Pero ang ilan, kasama na ang aking pamilya, ay nagse-set up na ng Christmas tree tuwing Oktubre na dati ay ginagawa sa Nobyembre.
Sinasabi kasi na ang Pasko ay para sa mga bata kaya nakiuso kami dahil na rin sa mga chikiting kong apo.
Tunay nga sumasaya ang paligid hatid ng makukulay na dekorasyon at nagkikislapang Christmas lights sa mga kalsada at bahay.
Kaya marami sa atin ang tila nais bawiin ang dalawang taon na kakaibang uri ng Pasko at Bagong taon ang naranasan dahil sa pandemya.
Nakatulong rin ang maagang paghahanda para unti-unting makabili ng mga panregalo at maiwasan ang tinatawag na holiday rush.
Asahan na ang masikip na trapiko dahil sa pagdagsa ng mamimili sa malls , groceries at iba pang mga tindahan.
Kaya bilang reporter palaging naitatanong ng iba pang mga kasamahan sa Department of Trade and Industry (DTI)
Mananatili bang matatag at may sapat na supply ng Christmas goodies katulad ng hamon at fruit cocktail?
Tradisyon na natin ang maghain ng hamon at fruit salad dahil hindi kumpleto ang okasyon kung wala nito.
Pero ang ibang pamilyang Pinoy,kabilang na ang Inyong lingkod,nakahain sa aming mesa ang masarap na suman na may tsokolate , sinukmani at leche flan, mga simpleng pagkain Pinoy na masarap at sakto lamang sa budget .
Pero higit sa lahat kaya excited sa ‘Ber’ dahil napaplano natin kung saan at paano ito ipagdiriwang.
Ito rin ang pagkakataon para sa reunion at magkakasama-sama ang pamilya at iba pang kamag-anak o kaibigan.
Ang sabi nga ang tunay na diwa ng Pasko ay pagbibigayan at pagmamahalan kaya may magandang hatid ang maagang paghahanda sa Kapaskuhan.