Isang pamilyar na mukha ang haharap sa Gilas Pilipinas sa pagtatapos ng group stage match nila kontra sa Jordan.
Si Rondae Hollis-Jefferson, Best Import nung nakaraang Governors’ Cup na giniyahan ang TNT Tropang Giga sa kampeonato laban sa Barangay Ginebra, ang bubungad sa Gilas sa kanilang sagupaan sa Sabado.
Haharapin ng Gilas si Hollis-Jefferson at ang kanyang koponang Jordan kung saan inaasinta ng mga Pinoys ang quarterfinals berth ng Asian Games men’s basketball tournament.
Magsasagupa ang dalawang koponan sa ganap na 5:30 p.m. sa Hangzhou Olympic Sports Center Gymnasium.
Alam na ni Hollis-Jefferson ang pakiramdam na talunin si Justin Brownlee, Scottie Thompson, Japeth Aguilar at ang kanilang coach na si Tim Cone, na pawang mga premyadong miyembro ng Gilas Pilipinas.
Tinalo ni Hollis-Jefferson at ng Tropang Giga ang Gin Kings sa anim na laro ng kanilang best-of-seven championship series, pero iba naman ang sitwasyong kanilang kinakaharap lalo pa at national teams nila ang nakasalalay.
Katuwang ng mga star players ng Ginebra ang iba pang mga bituin ng PBA sa pangunguna nina six-time Most Valuable Player June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter at Chris Ross. Nasa koponan rin sina Chris Newsome, Calvin Oftana, Kevin Alas at si Ange Kouame, ang isa pang naturalized players ng koponan.
“They’re gonna be tough,” ang sabi ni Cone. “What can you say? They blew this team [Thais] out by 37 points, and we only beat them by what, 15 or whatever? So if you look at it that way, we don’t have much of a chance.”
“But I think (if) you walk into our locker room when you talk to everyone of those guys, they think we can beat Jordan.”
Kung experience sa international competitions ang pag-uusapan, hindi rin magpapahuli ang Pilipinas sa Jordan, dalawang koponan mula sa Asya na naglaro sa nakaraang FIBA World Cup.
Mas maganda ang ipinakita ng Gilas kontra Jordan sa pinakamalaking basketball tournament sa buong mundo, kaya naman mataas ang kumpiyansa ng mga Pinoy na kaya nilang talunin ang koponan na pinamumunuan ni Hollis-Jefferson.
“We’re gonna try to put a big performance together and go out and play Jordan,” dagdag pa ni Cone.