Malaki ang naitulong sa mga pangkaraniwang mamamayan ng mga Malasakit Centers na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang ideyang ito ay mula kay Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, at iniakda niya ang Republic Act 11463 para sa pagtatayo ng mga one-stop shop kung saan dinala sa iisang bubong ang lahat ng kinauukulang ahensya, kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) upang matiyak na ang mga programa sa tulong medikal ay abot-kamay ng mga mahihirap na Pilipino.
Hindi pa siya nakuntento, isinulong rin ni Go ang pagsasabatas ng Republic Act 11959 o ang Regional Specialty Centers Act na ang layunin ay gawing available ang mga espesyal na serbisyong medikal sa lahat ng rehiyon.
Ang mga nasabing batas ay patunay na ginagawa ni Go ang kanyang responsibilidad bilang Chairperson of the Committee on Health and Demography.
Nakalulungkot na tinamaan sa pagtapyas sa budget ng Department of Health ang Malasakit Centers at Regional Specialty Centers.
Saan na pupunta ang mga maysakit na maralita? Kaya ba ng konsensya ng mga mambabatas at ng mga opisyal ng administrasyong Marcos Jr., lalo na ang Department of Budget and Management (DBM), na malagas ang populasyon ng bansa dahil sa pagtalikod sa tungkulin bigyan kalinga ang mga mamamayan?
Prayoridad umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kalusugan ng mga Pinoy kaya’t marami ang umaasa na titiyakin niyang maglalaan ng pondo ang kanyang administrasyon sa itatayong 17 specialty centers, na ayon sa batas, ay ilalagay sa existing DOH regional centers.
Huwag sanang bahiran ng politika ng mga mambabatas ang pambansang budget, lalo’t nakasaad sa Saligang Batas, “Section 15, Article 11 of the 1987 Constitution the State hereby declares the policy of protecting and promoting the right to health of the people and instilling health consciousness among them.”
Huwag sanang ituring ng mga politiko na isang kompitensya ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Kung may nakatayo ng mga programa at proyekto para sa kalusugan gaya ng Malasakit Centers at Specialty Centers, suportahan ito sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo.
Kailangan pa bang magtayo ng ibang center ang ilang politiko para isulong ang kanilang pampolitikang interes?
Ang pruweba sa pagtulong at tunay na pagmamalasakit sa kapwa ay hindi nasusukat tuwing sasapit lamang ang halalan.
Mas may magandang track record ang Malasakit Centers kaysa People’s Center.