Nagkasundo ang mga mambabatas na ilipat ang confidential at intelligence funds (CIF) sa mga ahensya na pamahalaan na nakatutok sa intelligence at surveillance activities sa gitna ng mga kaganapan sa West Philippine Sea.
Sa isang joint statement kahapon, sinabi ng mga mambabatas na kasama sa mga benepisyaryo ng “reallocation” ay ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), Philippine Coast Guard (PCG), at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
“Recognizing the rising security threats in the West Philippine Sea and the need to secure top officials, these agencies are better positioned to counteract security threats, protect our territorial waters, and secure the rights and access of Filipino fishermen to traditional fishing grounds,” anila.
Ang desisyon anila na ilipat ang CIF “underscores the need to ensure that resource allocation aligns with national priorities and the urgent needs of the citizenry…”
Kabilang sa mga lumagda sa joint statement ay sina Representatives Michael John Duavit (1st District, Rizal), Johnny Pimentel (2nd District, Surigao del Sur), Eleandro Mendoza (Romblon), Jose Aquino (1st District, Agusan del Norte), Angelica Co (BHW party-list) at LRay Villafuerte (2nd District, Camarines Sur).
Habang si Senate President Juan Miguel Zubiri ay inihayag na may intensyon din ang mga senador na “reallocate unnecessary funds” sa ilang ahensya tulad ng intelligence agencies, ang PCG, at ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
“We have agreed in the Senate to do the same. We also will [be] reallocating funds that we feel are not necessary for the use of certain agencies and allocate them to our Intelligence Community as well as our Coast guard and AFP,” sabi ni Zubiri sa mga mamamahayag.
Nang tanungin kung ang confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) ay makakasama, ani Zubiri,“We shall review all agencies.”
Umabot ang kabuuan ng confidential at intelligence funds sa panukalang 2024 budget sa P10.142 billion, batay sa mga dokumento mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Ito ay mas mataas ng P120 milyon sa P10.02 bilyong nakalaan para sa CIF noong 2023.
Ang kahulugan ng intelligence funds sa mga nakalipas na National Expenditure Program (NEP) ay ang “related to intelligence information gathering activities of uniformed and military personnel and intelligence practitioners” na may direktang epekto sa pambansang seguridad.
Habang ang confidential funds ay may kinalaman sa paniniktik ng government agencies na may intensyong suportahan ang mandato o operasyon ng ahensya.
Tinanggal kamakalawa ng PCG ang floating barrier na inilagay ng Chinese Coast Guard sa Scarborough Shoal para pigilan ang mga mangingisdang Pinoy alinsunod sa utos ni Marcos Jr. at National Security Adviser Eduardo Año, na pinuno rin ng National Task Force for the West Philippine Sea.
Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakahanda ang Pilipinas na na gawin ang lahat ng kaukulang hakbang upang maipatupad ang karapatan ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.