Isang masayang Pasko ang naghihintay raw sa mga Pilipino ngayong Disyembre.
Ito ay ayon kay Joey Concepcion, ang lead for jobs ng Private Sector Advisory Council ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon sa kanya, nanatiling maganda ang kanyang pananaw sa kabila ng pagbaba ng business confidence at growth forecasts ng ilang mga investors sa bansa.
Matatandaang sa isinagawang survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas, bumulusok pababa ang business confidence ng mga namumuhunan, na mula 40.8 percent noong second quarter ay 35.8 percent na lamang ito ngayong third quarter.
Sa kabila nito, sinabi Concepcion na nananatili namang mababa ang inflation rate ng bansa sa 6.6 percent, per mas mataas pa rin kumpara sa inaasahang 2 to 4 percent comfort range ng BSP.
Kung pagbabasehan ang mga numero, tila mahirap pang sabihin kung magiging masaya nga ang Pasko ni Juan Dela Cruz dahil nag-uumpisa pa lamang pumasok ang last quarter.
Mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin, habang walang tigil ang pagtaas ng gasolina.
So paano na?
Pinawi naman ng Department of Trade and Industry ang pangamba ng publiko na haharap sila sa mataas na presyo ng basic commodities at prime commodities sa huling quarter ng taon matapos nilang mapakiusapang muli ang mga manufacturers na huwag munang itaas ang presyo ng kanilang mga produkto.
Ngunit hindi naman siniguro ng DTI na hanggang sa Disyembre ng taong kasalukuyan ay makapagtitiis ang mga manufacturers na panatilihin ang mga presyo ng kanilang mga produkto dahil nakabase pa rin ito sa galaw ng presyo ng mga raw materials sa labas ng bansa.
Sa kabila ng pahayag ni Concepcion at ni Trade Secretary Alfredo Pascual, kakaba-kaba pa rin ang publiko kung totoong masaya nga ang parating na Pasko.
Bagaman babaha ang salapi dahil panahon ng paggasta ang Pasko, hindi nangangahulugang sapat ang tatanggaping 13th month at bonus ng mga empleyado sa bansa kung tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin pagsapit ng Disyembre.
Nawa’y ang ginagawang pagtitiis ng ating mga kababayan ngayon ay hindi na umabot sa Pasko.
Sana naman ay masagana ang kanilang maihatag sa kanilang hapag sa darating na Noche Buena at Medya Noche.
Maging masaya at masigabo nga sana ang mga darating na buwan nang sa ganun ay maging masagana ang ating kapaskuhan pare-pareho.
Isa lamang ang sigurado… may awa ang Diyos!