Sa halip na bawasan, lalo pang dinagdagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na miyembro ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ngayo’y 22 na mula sa orihinal na siyam lamang.
Ginawa ito ni Marcos Jr. kahit hindi inamyendahan ang Executive Order No.70, s. 2018 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na lumikha sa NTF-ELCAC.
“Ang mga namumuno sa NTF-ELCAC ay mga retired army general ng AFP, dating commanders. He is turning the executive branch into a de facto military junta.Kung tapos na ang armed conflict di na dapat nito nilalamon ang gabinete. It’s high time we abolish NTF-ELCAC,” ayon kay Kabataan Partylist Rep. Raoul Danniel Abellar Manuel sa ginanap na pagdinig sa budget ng NTF-ELCAC kamakalawa sa House Appropriations Committee kamakalawa.
“Nine agencies lang ang original members ng NTF-ELCAC at 11 ang dinagdag [na ahensya]. 20 out of 22 departments ay member ng NTF-ELCAC. Kung totoong wala nang armed conflict sa bansa, bakit ito nadadagdagan? Kaduda-duda na dumadami ito. Mas marami pang dinagdag kaysa sa original member agencies nito. Walang ring nilabas na amendments at guidelines sa E.O. 70, s. 2018. Walang basis ang arbitrary action ng pangulo to appoint the VP as NTF-ELCAC Vice Chair at damihan ang members ng task force,” dagdag ng mambabatas mula sa Makabayan bloc.
Muling iginiit ni Manuel ang panawagan kay Marcos Jr. na buwagin ang NTF-ELCAC at ilipat ang pondo nito sa edukasyon at kalusugan.
Napaulat na ang 2024 defense budget ay may kabuuang Php9.7 bilyon para sa NTF-ELCAC, Php1.08 bilyon ay nasa Philippine National Police, at Php8.64 bilyon para sa “Barangay Development Program” na humihirit ng pondo para sa mga proyekto sa itinuturing na 864 “cleared” barangays.