Nasa ikalawang yugto na ng clinical trial ang bagong gamot sa erectile dysfunction na gawa sa kamandag ng banana spider.
Inaprobahan ng ahensya ng Brazil na Anvisa ang pagsasagawa ng clinical trial sa ointment na gawa ng biotech company na Biozeus.
Binili ng Biozeus ang patent para sa molecule mula sa kamandag ng banana spider na nagdudulot ng priapism o masakit na pagtigas ng ari ng lalaki.
Ang nasabing molecule ang naglalabas ng nitric oxide na siyang nagpapasigla ng sirkulasyon ng dugo sa pamamagitan ng pagpapaluwag ng mga blood vessels.
Ayon kay Maria Elena de Lima, isa sa mga mananaliksik mula sa Federal University of Minas Gerais na sumuri sa kamandag ng banana spider, may potensyal din ang kanilang nadiskubreng medikasyon para sa paglunas ng prostate cancer sa mga kalalakihan.
Sinimulang pag-aralan ang kamandag ng banana spider may tatlong dekada na ang nakararaan. Ang epekto ng kagat ng nasabing gagamba ang nagbunsod sa pagagawa ng synthetic na molecule sa pormang gel na pinapahid sa ari para ito ay tumigas at tumindig.
Ang banana spider ay naninirahan sa mga plantasyon ng saging. Ang laki ng gagamba ay umaabot ng 15 sentimetro o 6 pulgada. Ito ay isa sa mga pinakamakamandag na gagamba sa mundo.