Hindi pa tapos ang karera para kina James Yap at Arwind Santos, mga dating Most Valuable Players ng Philippine Basketball Association.
Lagpas 40 anyos na ang dalawa, pero tila wala pa rin silang planong tumigil sa paglalaro.
Isa nang ganap na konsehal si Yap na kasalukuyang nasa Konseho ng San Juan, pero malayo pa sa isip niya ang salitang retiro.
Kamakailan lang, bumalik sa ensayo si Yap para muling samahan ang kanyang koponan na Rain or Shine at matapos ang ilang Linggong pagpapakundisyon, pumirma ng isang conference na kontrata ang player na dalawang beses na nahirang na PBA MVP.
Ayon kay Yap, determinado siya sa kanyang muling pagbabalik.
Noong nakaraang season sa Governors Cup, bumalik matapos ang mahigit isang taong pagkakabakante si Yap, pero hindi pinalad na makapasok sa playoffs ang Elasto Painters.
Malaki ang tiwala nang beteranong forward na mas maganda ang kanilang ipakikita ngayong season, lalo pa na may maidadagdag na bagong players sa kanilang koponan.
Dalawang higanteng manlalaro ang madadagdag sa line up ng Elasto Painters na kanilang nabingwit sa nakaraang PBA Rookie Draft at sila ay sina 6-foot-7 Luis Villegas at 6-foot-8 Keith Datu na kanilang kinuha bilang numbers 2 and 3 picks.
Bukod sa kanila, excited rin si Yap na mas makahalubilo pa ang mga iba pang batang rising stars ng koponan gaya nina Santi Satillan, Gian Mamuyac, Anton Asistio, Andrei Caracut at Rey Nambatac gayundin ang mga kapwa beteranong players na sina Beau Belga, Gabe Norwood at Mark Borboran.
Hindi na tinitingnan ni Yap kung hanggang kailan pa niya planong patuloy na maglaro dahil nais niya munang pakiramdaman ang kanyang katawan pero sa ngayon, pakiramdam niya ay kaya niya pang makisabay sa mga mas bata, mas malalaki at mas mabibilis na players.
Pero habang inaantabayanan ang muling pagbabalik aksyon ni Yap, itinuturing na mukha ng liga nung mga nakaraang taon, inaabangan naman lalo ng mga Kapampangan ang pagsali ng kanilang kapaw Cabalen na si Santos na lilipat naman para maglaro sa Maharlika Pilipinas Basketball League.
Kinompira ng manager ni Santos na si Danny Espiritu ang napipintong pagsali ni Santos sa Pampanga simula Setyembre 30.
Hindi ito nakakapagtaka bunsod na rin ng malalim na pinagsamahan ni Santos at ang team owner ng Pampanga na si Governor Delta Pineda.
Una nang sumali sa Pampanga ang isa pang PBA player na si Encho Serrano na isa ring Kapampangan.
Matapos ang magandang ipinakita sa kanyang rookie season, nagdesisyon si Serrano na huwag na muling pumirma sa Phoenix Super LPG, ang kanyang dating team sa PBA, at lumipat na lang sa Pampanga sa MPBL kung saan mainit ang nangyaring pagtanggap.
Inaasahan ang mas mainit na pagsalubong ng mga Kapampangan kay Santos na mayroon pa ring nais patunayan at mas tila kumportableng maglalaro sa bago niyang koponan.