Naging mabagal ang panimula ng Gilas Pilipinas sa second half, pero hindi ito naging hadland sa pagkopo ng ikalawang sunod na panalo sa men’s basketball competition ng Asian Games sa Hangzhou, China.
Tinalo ng Gilas ang Thailand, 87-72, kung saan nagpamalas ng isa na namang matikas na opensiba si CJ Perez habang solidong all-around game naman ang ibinigay ni reigning Philippine Basketball Association Most Valuable Player Scottie Thompson dahilan para hindi bumitaw ang Gilas sa kabila nang mainit na pasimula sa third period ng Thailand.
Nagpakawala nang 13 sunod na puntos ang Thais at ilapit ang laro sa 63-68, bago nagawang makapuntos ng Gilas matapos ang mahigit sa limang minutong lumipas sa ikatlong yugto ng laban.
Pero tila walang pangamba sa koponan ng Gilas na kumapit pa rin sa panalo at patuloy na hawakan ang liderato sa kanilang grupo.
May 16 na puntos na tinikada si Perez, isa sa mga huling players na naidagdag ng koponan, para giyahan ang Gilas, pero pinamunuan pa rin ang opensiba ni Justin Brownlee, ang naturalized player ng koponan na tumapos na may double-double performance na 19 points at 11 rebounds.
Hindi masyadong maganda ang opensibang ipinakita ng mga Pilipino cagers kung saan nagtala lamang sila ng 39% shooting (32-of-82), pero nagawa nilang makabingwit ng 63 rebounds
Pero pumailanglang si Thompson sa pagpapakita ng solidong all-around game. Nagtalo ng pitong puntos, walong rebounds at siyam na assists at +28 na efficiency rating ang Barangay Ginebra star na nais makabawi sa malamyang paglalaro niya sa nakaraang FIBA World Cup.
Susunod namang makakaharap ng Pilipinas ang Jordan kung saan makakabangga nilang muli ang isa namang dating PBA Best Import na si Rondae Hollis-Jefferson na siyang naturalized player ng naturang koponan.
Binuksan ng Gilas ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng paggulpi sa isa ring dating PBA Best Import na si Wayne Chism at ang kanyang koponang Bahrain, 89-61, pero mas mahigpit na laban ang kanilang inaasahan sa Jordan na pumumunuan ni Hollis-Jefferson, isa sa mga maituturing na big stars na naglaro sa ka nakaraang FIBA World Cup sa Maynila. (REY JOBLE)