Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules na pinigil ng immigration authorities sa Langley airport sa Canada si dating Philippine National Police (PNP) chief General Rodolfo Azurin Jr.
Ginawa ng DFA ang kumpirmasyon kasunod ng mga tanong ni House Minority Leader Marcelino Libanan, kaugnay sa ginagawang pagtalakay sa Kamara de Representantes sa 2024 proposed budget ng DFA na nagkakahalaga ng P23 bilyon.
“Parang nagkaroon ng misinterpretation, misunderstanding sa nangyari , and the Canadian government expressed their regrets over the incident,” sabi ni Nueva Ecija Representative Joseph Violago, na siyang sponsor o dumidepensa sa budget ng DFA.
“For privacy purposes, hindi pa ma-ididivulge iyong report,” dagdag niya.
Ayon kay Violago, kusa na umanong bumalik na lang sa Pilipinas si Azurin, na sandaling nagsilbing PNP chief sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon kay Violago, hindi na nagbigay ng tulong ang DFA kay Azurin dahil bumalik na ito ng bansa.
“General Azurin went to Canada on his private capacity. Since the trip is not official, wala rin pong magagawang assistance just in case,” paliwanag pa niya.
Ayon kay Libanan, maaaring ipadala ang confidential report sa tanggapan ni Speaker Martin Romualdez, at sinabing hindi ito dapat maulit sa iba pang dating police officers.
“This is the budget season, you have to show Congress that your office is functioning properly. Lahat ba ng former PNP officials ay iintercept sa mga bansang ito at pauuwiin sa ating bansa?” dagdag pa ni Libanan.
Ayon kay Violago, wala pang opisyal na pahayag na ibinibigay ang Canadian government sa nangyari, na ipadadaan sa Philippine Embassy.
Sa isang pahayag, sinabi ni Azurin na ihahayag niya ang nangyari sa kaniya sa tamang panahon.
“In due time I will issue my statement and face the media to tell [them about] what happened,” ayon sa dating PNP chief.