Tumanggap nang tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P15,000 bawat isa ang limang rice retailer mula sa lalawigan ng Marinduque nitong Miyerkules, Setyembre 20.
Ayon kay Sonia De Leon, Regional Program Coordinator ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Mimaropa, layon ng gawain na mabigyan ng ‘financial assistance’ ang mga micro at small rice retailers sa buong bansa na naapektuhan ng price cap para sa regular at well-milled na bigas.
“Sa ilalim ng Economic Relief Subsidy ng aming ahensya, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensya ng gobyerno, kami po ay binigyan ng direktiba ng ating Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ipagkaloob sa inyo itong one-time emergency rice subsidy mula sa ating pamahalaan,” saad ni De Leon.
Alinsunod sa Executive Order No. 39 na inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inaatasan ang mga rice retailer sa bansa na gawing P41 ang kilo ng regular milled rice habang ang well-milled rice ay dapat ibenta sa halagang P45 kada kilo.
Sinabi naman ni Roniel Macatol, Provincial Director ng Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque na base sa kanilang ginawang monitoring, agad na tumugon ang limang rice retailer sa probinsya sa panawagan ng Pangulo at nakapagsumite rin ang mga ito ng kaukulang dokumento para maging kwalipikado sa subsidiya.
Kabilang sa mga benepisyaryo ay ang Ramon Apostol Rice and Feeds Retailer mula sa bayan ng Boac, Ruben Belen de Chavez Store at Karren’s Sari-Sari Store ng Mogpog, RTS Marinduque Enterprise ng Santa Cruz at Marife Rice and Feed Retailing ng Buenavista.
“Malaking tulong po itong P15,000 na ibinigay sa amin ng Pamahalaan dahil maipandadagdag namin ito sa aming puhunan sa gayong paraan ay mapananatili namin na mababa ang presyo ng mga binibenta naming bigas. Sa katunayan ay talagang mababa po ang presyo ng bigas sa aming tindahan at lalo namin ito ibinababa tuwing araw ng Linggo dahil marami po sa amin ang namimili na galing pa sa ibang barangay,” pahayag ni Exaltacion Nuñez, isa sa mga benepisyaryo at may-ari ng Karren’s Sari-Sari Store sa Mogpog.
Sa pamamagitan ng EO No. 39, sinisikap ng administrasyong Marcos na mabawasan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na dulot ng pag-iimbak at pagmamanipula ng presyo gayundin para protektahan ang mga mamimili laban sa mga hoarder at kartel ng bigas.
(RAMJR/PIA MIMAROPA – Marinduque)