Hindi bababa sa 100 katao ang namatay nang masunog ang bulwagang pinagdarausan ng selebrasyon sa kasal sa Iraq Martes ng gabi.
Mahigit 150 naman ang nagtamo ng malubhang paso at pagsinghot ng nakalalasong usok sa sunog na nangyari sa bayan ng Hamdaniyah, ayon sa mga opisyal ng probinsya ng Nineveh, kung saan naroroon ang bayan.
Dumagsa kahapon ang mga sugatan sa ospital sa Hamdaniyah sakay ng mga ambulansya ayon sa mga photographer ng Agence France-Presse.
May mga nagkumpulan rin sa isang refrigerated truck na may kargang mga itim na body bags na naglalaman ng mga bangkay ng mga biktima ng sunog.
Karamihan sa mga pasyente ay nagtamo ng paso at dumanas ng asphyxiation, ayon sa tagapagsalita ng health ministry ng Iraq na si Saif Al-Badr.
Mayroon ring mga nasaktan dahil sa stampede na dulot ng mga nag-panic na bisita sa kasal, dagdag niya.
Ayon sa mga taga-civil defense ng Iraq, highly flammable at di ligtas ang mga nasunog na prefabricated panel ng bulwagan. Dumagdag rin sa peligro ng mga materyales na may plastic ang nakalalasong gas na pinakakawalan nito kapag nasunog.
Isang dumalo sa kasalan at nasaktan ang nagsabi na lumipad ang mga fireworks nang sumayaw ang bride at groom.
Tinamaan ng fireworks ang kisame na sumilab at mabilis na kumalat ang apoy.
“Wala kaming makita. Hirap kaming huminga at di namin alam kung saan lalabas,” pahayag ni Rania Waad, 17, na nagtamo ng paso sa kanyang kamay.