Lumalala ang problema sa South China Sea bunsod ng militarisasyon at reklamasyon para sa iba’t ibang impraestraktura sa pinag-aagawang teritoryo na isinasagawa ng Beijing.
“The trouble in the South China Sea is caused more by Beijing’s militarization and reclamation of features for various infrastructure in disputed areas,” sabi ni InfraWatch convenor at dating Kabataan partylist Rep. Terry Ridon.
Ang pahayag ni Ridon ay bilang reaksyon sa pagbabanta ng Beijing sa Pilipinas kahapon na huwag gumawa ng mga hakbang na lilikha ng gulo matapos ihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na tinanggal ang floating barrier na inilagay ng China sa Scaborough Shoal para harangan ang mga mangingisda sa traditional fishing ground.
“China firmly upholds the sovereignty and maritime rights and interests of the Huangyan island,” ayon kay foreign ministry spokesman Wang Wenbin, tawag niya sa Scarborough .
Para kay Ridon, “The removal of Scarborough shoal barriers is merely the exercise of the Philippines of its sovereign rights over the shoal.”
Iginiit ni political analyst at UST Political Science Professor Marlon Villarin na ang pagpapalakas ng posisyon sa teritoryo at pagtatanggol ng soberanya ay maaaring maging sanhi ng pagtaas ng militar na presensya at aktibidad sa rehiyon.
“Ito ay maaaring magpalakas ng tensyon at magdulot ng di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga bansa,” aniya.
Ang pagsasagawa aniya ng legal na hakbang, tulad ng pagdulog sa internasyonal na mga korte o tribunals, ay maaaring magdulot ng matagal at komplikadong proseso.
“Ang mga bansang naghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas sa WPS ay maaaring magtangkang hindi sumunod sa mga hatol o magpatuloy sa kanilang mga hakbang para sa teritoryo, na nagreresulta sa patuloy na tensyon at alitan sa pagitan ng basanag Tsina at Pilipinas.”
Giit niya, ang mga desisyon ng mga internasyunal na korte ay maaaring hindi matugunan ng sapat na kapangyarihan upang ipatupad ang mga ito at maaaring magresulta sa patuloy na di-pagkakaunawaan at hindi pagkakasunduan sa pagitan ng mga bansa sa WPS.