Naniniwala ako na mas tumatapang ang isang tao sa rami nang pinagdaaang pagsubok.
Nakita ko ito sa mga kasamahan ko sa industriya Ng pamamahayag at maging sa aking kapwa mamamayan.
Ilang insidente ang kadalasan o pangunahing iyong haharapin para masabi na isa ka ng tunay na journalist ay ang peligro sa pagko-cover ng karahasan dala ng terorismo , hostage taking , kalamidad at iba pang uri ng sakuna.
Sino nga ba ang hindi makakalimot sa takot na ginawa ng Abu Sayaff kung saan maging ang mga mamahayag ay hindi nakaligtas sa lupit ng bandidong grupo?
Kaya hindi ko masisisi ang Nanay ko kung palagiang tinatanong kung saan ang coverage ko noong kasagsagang ng pangingidnap ng Abu Sayaff sa mga inosenteng sibilyan.
Karamihan sa journalists na nag-cover sa Sulu at Basilan ay nanatiling aktibo sa industriya at kinilala ang dedikasyon sa pagganap sa tungkulin sa kabila ng banta sa kanilang Buhay .
Isa pa rin sa pinakamahirap na I-cover ang hostage taking.
Maingat na pagrereport ang dapat gawin para hindi makompromiso ang negosasyon at hindi malagay sa panganib ang buhay ng hostage.
Pangunahing dapat isaalang-alang ang paglalatag ng detalye para maging matagumpay ang operasyon ng mga awtoridad at ang kaligtasan ng hostage.
Pero dumarating sa aming mga buhay ang pagod ng katawan , isip at puso .
Dati na akong pinayuhan ng aking mga boss sa television network na aking pinagsilbihan na magbakasyon at mag relax matapos ang Isang linggong pagtutok sa sunog sa Ozone Disco noong March 1996.
Bilang isang bàguhang reporter tinanggap ko ang coverage bilang hamon sa aking kakayahan na mag-report ng malalaking balita.
Sinundan ko hanggang punerarya ang mga labi ng biktima na pawang mga kabataan. Dito ko nakita at naramdaman ang hinagpis ng mga magulang .
Hindi ko alam kung paano ko sila na-interview at wala akong nabuong salita para ipaabot ang taos-pusong pakikiramay .
Napaiyak ako pero kaakibat nito ang tapang na ilahad ang istorya sa harap ng paghingi sa hustisya ng mga mahal sa buhay ng mga biktima.
Nagbakasyon ako ng isang linggo sa aming probinsya sa Laguna.
Pero paminsan-minsan hinahayaang ko ang aking sarili na umiyak habang bumabalik sa isip ko ang mga natunghayan ko sa mga biktima at pamilya .
Nakipag bonding ako sa aking mga kapatid, nanood ng mga masasayang pelikula at nakinig ng music .
Umabot sa mahigit isandaan at animnapu ang nasawi sa trahedya na itinuring na pinakamalalang insidente ng sunog sa Pilipinas.
Pero kung may mga sakuna,lupit ng kalamidad ang sinuong namin partikular na rito ang bagyong Haiyan o Yolanda noong November 2013.
Nagtungo ang media sa bahagi ng Eastern Visayas para ibalita ang magiging epekto ni Yolanda na itinuring na pinakamalakas at pinakamapinsalang bagyo na tumama sa Pilipinas.
Naitawid ng mga kasamahan namin ang malaking istorya sa kabila ng hirap dahil walang kuryente, malinis na inuming tubig ,pagkain at maayos na matutulugan dahil sa pinsala ni Yolanda.
Bukod sa pinsala , maraming buhay ang nawala na umabot sa mahigit anim na libo. Sa unang tingin, tila mahihirapan ang mga residente rito na bumangon mula sa lupit ni Yolanda.
Isang taon matapos ang insidente nagtungo ako sa isang Lugar na tinamaan ni Yolanda para sa Isang coverage. Dito nakita ko ang tatag at tapang nila na unti-unting bumangon mula sa bangungot na dala ni Yolanda.
Tumayo sa mga sariling paa at nagtulungan ang LAHAT para bumalik sa normal na pamumuhay.