Binuhos ng mga Sikh sa Canada ang galit nila sa New Delhi sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga bandila ng India at pagsira ng mga imahe ni Punong Ministro Narendra Modi sa labas ng mga konsulada ng India sa Canada nitong Lunes.
Ang mga Sikh na Canadian citizen ay nagprotesta matapos idawit ni Punong Ministro Justin Trudeau ng Canada ang administrasyong Modi sa pagkakapaslang sa isang lider nila sa Vancouver noong Hunyo.
“Mga terorista ang mga Indiano, pinatay nila ang aming kapatid sa Vancouver, kaya kami nagpoprotesta rito,” pahayag ng isang nagpoprotesta sa Toronto.
“Hindi kami ligtas sa aming bayan sa Punjab, hindi rin kami ligtas dito sa Canada,” sabi naman ng isa pang nagpoprotesta.
Tinutukoy ng mga ralista ang kapwa Canadian citizen nilang si Hardeep Singh Nijjar na wanted sa India sa kasong terorismo at conspiracy sa pagsasagawa ng pagpatay dahil sa pagtataguyod niya ng isang bansa para sa mga Sikh na binansagang Khalistan.
Ang mga protestang bumabatikos kay Modi ay isinagawa rin sa Ottawa at Vancouver bilang reaksyon sa paratang ni Trudeau laban kay Modi.
Ayon kay Trudeau, ang mga pinaghihinalaang bumaril at nakapatay kay Nijjar ay mga ahente ng intelligence agency ng India.
Mariing itinanggi ng pamahalaang India ang paratang.
Matapos ang pasabog ni Trudeau, pinaalis ng Canada ang isang diplomat ng India. Gumanti naman ang New Delhi at pinaalis rin ang isang diplomat ng Canada.
Itinigil rin ng India ang pagpoproseso ng visa sa Canada at pinayuhan ang mga mamamayang nasa Canada na mag-ingat at umiwas sa mga lugar na maaari silang targetin ng mga galit sa kanila.