Tuluyan nang “nabuwag” ang ipinagmamalaking UniTeam nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Nagbabanatan na ang kanilang mga kampon.
Nagsimula ito sa pag-aaway away ng mga kakampi nilang vloggers hanggang sa humantong na sa Mababang Kapulungan.
May ilang buwan na rin ang nakaraan nang alisin ni House Speaker Martin Romualdez si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang senior deputy speaker matapos umugong na nagplano raw si GMA na I-kudeta ang pinsan ni Marcos Jr.
Bilang ganti, tumiwalag si VP Sara sa Lakas-CMD at nagpahaging pa na “tambaloslos” si Romualdez.
Habang papalapit ang 2025 midterm elections, lalong lumutang ang matinding tunggalian ng kampo nina Marcos Jr. at VP Sara.
Nagsulputan ang mga kuwestiyonableng Facebook page na naglalaman ng pagbatikos ng bawat kampo sa isa’t isa na medyo below the belt na nga ang mga birada.
Hanggang kahapon kay mismong si Marikina Rep. Stella Quimbo na nagmula ang ‘ika nga’y unang sultada ng bira ng pro-administration bloc kay VP Sara.
Ibinisto ni Quimbo na ginasta ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte ang P125 milyong confidential funds (CF) nito noong 2022 sa loob lamang ng 11 araw— hindi 19 araw— na naunang iniulat ng mga mambabatas mula sa oposisyon, batay aniya sa opisyal ng Commission on Audit (COA) na dininig ng House Appropriations Committee ang 2024 proposed budget.
Kung anoman ang kahihinatnan ng banggaan ng political dynasties sa mga susunod na araw, nakatitiyak tayo na aabot iyan hanggang 2025 midterm elections at ultimo sa 2028 national elections.
Magkakaalaman kung sino ang matitira sa binuong political dynasty cartel noong 2022 elections.
Isa lang ang tila may linaw na mawawala rito, ang puwersa ng Davao.