Hindi basta-basta ang trabaho nang pagbibigay ng VIP security sa mga personalidad at politiko.
Kailangan ay alam mo ang responsibilidad kapag ikaw ay naging bahagi ng “security marshall’” at hindi nagsuot lang ng barong o anomang uniporme.
Dapat sumailalim sa seminar at pagsasanay ang sinomang pumapasok sa naturang trabaho.
Kapag walang “imminent danger” sa iyong binabantayan lalo na kapag nilapitan at “hinawakan” niya ang isang tao, hindi dapat hawiin ito ng sekyu ng personalidad.
Kaya nakalulungkot ang nag-viral na video na ang National Artist na si Ricky Lee,nang batiin at makipagkamay kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, hinawi ng sekyu ng beauty queen.
Nakita sa video na nagulat si Pia sa inasta ng kanyang sekyu pero wala naman siyang ginawa para pigilan ito.
Kaya inulan ng batikos ng netizens ang kampo ni Pia bunsod ng kawalan ng respeto kay Lee.
Ngunit kilala sa kababaang loob si Lee kaya para sa kanya, balewala ang naturang insidente.
Nag-sorry naman na si Pia kay Lee pero sana ay maging leksyon ito sa mga celebrity na bigyan ng briefing ang mga sekyu nila bago lumarga sa anomang event.