Natapos Linggo ng gabi ang ilang oras na barilan ng mga pulis at may 30 taong nagtago sa loob ng monasteryo matapos umano nilang paslangin ang dalawang pulis sa nayon ng Banjska sa Kosovo.
Napatay ng mga Kosovar pulis ang tatlo sa mga nang-ambush ng kanilang kasamahan at inaresto ang lima pa, kabilang ang apat na sibilyang nahulihan ng mga radyo at armas sa labas ng monasteryo.
Nakumpiska rin ng mga pulis ang maraming armas, subalit hindi malinaw kung lahat ng mga naka-engkuwentro nila ay nahuli.
Kinumpirma ng Orthodox na simbahan ng Serbia, ang katabing bansa ng Kosovo sa Balkan region ng Europa, na nilusob ng mga armadong grupo ang kanilang monasteryo sa Banjska.
Sinabi rin ni Veton Elshani, hepe ng Kosovo police, na nagpaputok ang mga nakaunipormeng tao sa kanila kaya pinutukan rin nila ang mga namaril.
Ang pag-ambush sa dalawang pulis at sumunod na bakbakan sa Banjska ang isa sa mga pinakamalalang tensyon sa pagitan ng Kosovo at Serbia matapos maantala ang pag-uusap ng kani-kanilang gobyerno para sa kapayapaan.
Binansagan ni Kosovo Prime Minister Albin Kurti na terorismo ang pag-ambush at barilan na sinisi niya sa pamahalaang Serbia.