Binigyang diin ng National Security Council (NSC) na may karapatan ang Pilipinas na tanggalin ang floating barrier na inilagay umano ng China sa Scarborough Shoal.
Binanggit ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.
Aniya, ang 2016 arbitral ruling ay napakalinaw na ang mga mangingisda ay may karapatang mangisda sa Scarborough Shoal mula pa noong nakalipas na mga siglo.
Iginiit ni Malaya ang UNCLOS na kung saan malaki ang karapatan ang bansa na tanggalin ang inilagay ng Chinese Coast Guard na barriers.
Matatandaan na iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang 300-meter floating barrier ang inilagay sa kahabaan ng Scarborough Shoal na pumigil sa mga mangingisdang Pilipino na makapasok sa lugar.
Sinabi ng PCG na tatlong Chinese Coast Guard rigid hull inflatable boat at isang Chinese maritime militia service boat ang naglagay ng floating barrier pagdating ng mga tauhan mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa paligid ng Bajo de Masinloc.