Ginasta ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte ang P125 milyong confidential funds (CF) nito noong 2022 sa loob lamang ng 11 araw— hindi 19 araw— na naunang iniulat ng mga mambabatas mula sa oposisyon.
Ang rebelasyon ay ginawa sa naging sponsorship debate kaugnay sa P13.36 bilyong budget ng Commisssion on Audit (COA) para sa 2024, nang mismong ang budget sponsor ng ahensya na si Marikina Rep. Stella Quimbo, ay sinabi sa mga mambabatas na ang multimillion-peso CF na ipinagkaloob sa OVP ng Office of the President ay ginasta sa loob ng 11 araw.
Ang P125 milyong CF ay bahagi ng P221.42 milyong contingent fund ng OP na inilipat sa OVP noong 2022.
“Madam Speaker, the truth is that I was also surprised when I read the news that it was spent within 19 days and I asked about the CoA and I looked at the various reports, but it was not spent within 19 days but 11 days, Madam Speaker,” sabi ni Quimbo.
Ginagamit ang confidential funds sa mga lihim na aktibidad gaya ng surveillance operations na ginagawa ng ilang ahensya ng pamahalaan alinsunod sa kanilang mandato..
Isinumite ng OVP liquidation report nito noong Enero 2023 at inisyuhan ng audit observation memorandum (AOM) noong 18 Setyembre 2023 ng state auditors, ani Quimbo bata sa pahayag ng CoA.
May 15 araw lamang ang mga ahensya ng gobyerno para sagutin ang AOM.
Tiniyak ng CoA sa Mababang Kapulungan na magsusumite ng buong report sa 15 Nobyembre 2023 dahil umuusad pa rin ang audit.
Ipinagkibit-balikat ni OVP spokesperson Reynold Munsayac, ang isyu at sinabi sa mga mamamahayag na hindi pa nila natatanggap ang AOM mula sa COA.
Ikinagulat ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, isang kritiko ng CF, ang pagsisiwalat ni Quimbo, at kinuwestiyon kung paano ginasta ng OVP ang ganoon kalaking halaga sa loob lamang ng mahigit isang linggo.
“It’s hard to imagine spending that in 11 days because if it’s for surveillance, how many reward payments will reach P11 million per day?” sabi ni Brosas.
Tugon ni Quimbo, “I hope you will support me in my call for this creation of a special oversight committee,” na bubusisi kung ginagamit ng maaayos ng mga ahensya ng pamahalaan ang CIF.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, tangin ang Pangulo, Senate President at House Speaker ang may access sa impormasyon kaugnay sa CIF.
Matatandaan nagkaroon ng mainitang debate hinggil sa paglipat ng OP sa OVP ng multi-milyong piso na ayon sa oposisyon ay “unconstitutional” dahil walang line item sa 2022 budget ng OVP nakasaad na may confidential funds ito sa 2022 General Appropriations Act.
Si noo’y Vice President Leni Robredo, na naghanda ng 2022 budget para sa OVP, ay sinabing walang line item para sa confidential funds sa budget na kanilang ginawa.
Ipinagtanggol ng Department of Budget and Management (DBM) ang legalidad ng paglipat ng pondo sa isang liham na ipinadala kay Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, chairman ng House committee on appropriations, noong nakaraang linggo ngunit wala pang ibinibigay na kopya nito sa mga mamamahayag.