Magpupulong ang Department of Justice at Office of the Solicitor General sa susunod na linggo para talakayin ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa China dahil sa umano’y pagsira nito sa mga coral reefs sa West Philippine Sea.
Umaasa si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, na makakausap na si Guevarra upang mabalangkas na ang mga reklamong maaring isampa.
Tinitingnan din niya ang paghingi ng tulong sa isa sa mga nangungunang environmental law expert sa Asya, ang abogadong si Antonio Oposa Jr.
Iginiit ng kalihim na bahagi ng tungkulin ng Pilipinas sa buong mundo ang kumilos para mapigilan ang pagkasira pa ng kalikasan.
Una nang nadiskubre ng Armed Forces of the Philippines Western Command ang pagkasira ng corals sa WPS na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sinabi ni AFP-Western Command Commander Vice Admiral Albert Carlos na nagpadala sila ng divers sa Rozul Reef matapos lisanin ng Chinese military militia vessels ang naturang lugar.