Tatak ng mga Pilipino ang ngumiti pa rin sa gitna ng mabigat na problema.
May kasabihan nga tayo na tawanan mo ang iyong problema.
Napatunayan ko ang lakas ng Pinoy mula sa mga ordinaryong pamilyang Pilipino partikular sa pagharap sa krisis na dala ng pandemya.
Sa pagtatapos nito, paano nga kaya bumabangon ang bawat isa sa epekto nito sa buhay ng mga Pinoy?
Lahat ay apektado mula sa pagtiyak sa kaligtasan ng kalusugan hanggang sa pangangailangan na panatilihing matatag ang trabaho at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan.
Napakahirap nito sa isang ordinaryong nanay na katulad ng dati kong make-up artist dahil siya na lamang ang nagtataguyod sa kanyang dalawang anak matapos makipaghiwalay sa kanyang asawa.
Bukod sa tuition, singil sa buwanang renta sa bahay, tubig at kuryente ay talaga naman napakasakit sa bulsa.
Hindi natinag ang nanay na ito mula sa kakarampot na kita sa kanyang trabaho, ginamit niya ang extra time para magluto ng kakanin at ibenta sa mga ka-opisina.
Isa ako sa palaging bumibili sa kanya dahil mahilig ako sa kakanin, sa totoo lang, masarap siyang magluto ng puto.
Hindi alintana ang pagod,masaya at nakangiti kaming pareho habang sabay na nagka-kape at kumakain ng puto bilang merienda.
Napakasimple lamang ng mga bagay na nagpapasaya sa amin.
Tanong ko sa kanya, “Okey ka na sa ganito kahit mahirap? Wala naman masama kung mangarap .”
Lalo ako humanga sa sagot niya,”Wala naman ako masyadong hangad dahil simpleng tao lamang kami.”
“Masaya na kami na nakakakain kami ng tatlong beses sa isang araw at may masisilungan kahit maliit na apartment.”
Hindi siya nakagtapos ng high school kaya kuntento na sa maliit na kita basta mabigyan ng maayos na buhay ang mga anak.
Itinuturing na niyang blessing ng Panginoon na wala silang mga sakit at sana makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak.
Tanging magiging pamana niya sa kanila dahil wala naman daw siyang pag aari na bahay at lupa na maiiwan para sa kanila.
Giit niya, sa panahong ito, walang maliit o malaking suweldo, importante may pumapasok na pera pantustos sa pamilya kada buwan.
Nakita ko rin ang tatag ng kanyang pananampalataya sa Diyos.
Isa lamang ang nanay na ito na sa kabila ng kagipitan ay napanatili ang lakas at tatag sa mga hamon ng buhay .
Nagsisilbi aniya itong gabay para magpatuloy mabuhay ng maayos at tahimik bilang mabuting mamamayan.