Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority nitong Linggo na ang pagbahang naranasan sa ilang bahagi ng National Capital Region matapos ang malakas na ulan noong Sabado ay dahil umano sa hindi wastong pagtatapon ng basura.
Ayon kay MMDA general manager Procopio Lipana, narekober ng mga tauhan ng MMDA nitong Linggo ang mga basura, tulad ng mga plastik at maging ang plywood plank, na nakaharang sa isang drain malapit sa EDSA-Camp Aguinaldo.
Dagdag pa niya, sandamakmak na basura ang nakuha sa kabila ng patuloy na paglilinis sa mga daluyan ng tubig at bukod umano sa talagang maraming basura na nakabara, biglaan din ang pagdating ng tubig at may kaliitan ang mga drainage system.
Kung matatandaan, sinabi na ng Department of Public Works and Highways na nananatiling basura ang pangunahing sanhi ng mga pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila.
Ayon kay DPWH-NCR regional director Loreta Malaluan, maraming basura ang nakukuha sa mga daanan ng tubig dahilan upang hindi nagiging efficient ang mga pumping stations.
Samantala, sinabi ni Malaluan na hindi na maiiwasan ang mga pagbaha sa maynila dahil sa hindi sapat na drainage system.
Karamihan rin aniya sa mga daan ay sementado na kaya wala ng lupa na sisipsip sa tubig.
Siniguro naman ng opisyal na patuloy silang gumagawa ng mga paraan upang masolusyunan ang mga pagbaha sa nasabing lugar.