Inianunsyo ni State Department Spokesperson Matthew Miller kanina ang pagsasampa ng kasong espionage laban sa isang US State Department information technology contractor.
Nabatid sa kalatas ni Miller, noong unang bahagi ng taon ay dinakip ang isang miyembro ng Massachusetts Air National Guard bunsod ng “unauthorized disclosure of classified national defense information.”
Noong Abril 2023, nagsagawa ang Bureau of Intelligence and Research (INR) ng isang self-initiated 60-day Internal Security Review ng “Top Secret/Sensitive Compartmented Information (TS/SCI) network, systems, and applications” ng Dept. Of State upang matukoy ang mga oportunidad para mapatibay ang pangangalaga ng data sa TS/SCI environment.
Habang isinasagawa ang pagrerepaso, nadiskubre ang impormasyon na maaaring isang Department of State information technology contractor “may have removed, retained, and transmitted classified national defense information without authorization.”
Inihayag ngayon ng US Department of Justice (DOJ) ang pagdakip sa contractor at pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa kanya.
Pinuri ng State Department ang Federal Bureau of Investigation (FBI) at DOJ sa mahusay na trabaho na nagbigay daan sa pagdakip at paghahain ng mga kaso sa naturng IT contractor.
Tiniyak ng State Department ang patuloy at buong suporta sa pagsisiyasat.
Sa pakikipagtulungan sa Intelligence Community (IC), isasailalim ng State Department sa review ang epekto ng usapin sa national security at foreign policy.
Pinasalamatan ng kagawaran ang dedicated personnel sa INR, sa Bureau of Diplomatic Security, FBI, DOJ at IC sa walang humpay na pagtatrabaho upang suportahan ang tugon ng US government sa nasabing counterintelligence incident.
Ipagpapatuloy ng State Department ang implementasyon ng mga rekomendasyon ng Internal Security Review upang mapatatag ang pagbibigay ng access sa TS/SCI information, ipagpatuloy ang security monitoring, at bigyan proteksyon ang sensitibong impormasyon upang maiwasan maulit ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.