Tila naging abogado ng “red-taggers” ang isang mambabatas matapos ipagtanggol ang paggamit nito dahil hindi naman ito isang krimen.
“At this moment, si red-tagging naman ay hindi isang krimen. Hindi porke’t tinawag tayo o nire-red-tag, oh ikaw, miyembro ka ng ganito, eh krimen ‘yan,” sabi ni Davao Rep. Ruwel Gonzaga, ang sponsor ng P57.79 bilyong panukalang budget ng Hudikatura sa 2024.
Ngunit kapag isinailalim na sa paniniktik ng mga awtoridad ang ni-red-tag na indibidwal, isinailalim sa background check, puwede naman aniyang maghain ng writ of amparo o anomang writ sa hukuman ang petitioner.
“Pag lalampas ‘yung law enforcement diyan sa tinatawag, sinasabi nilang ‘ikaw po ito, miyembro ng ganito’, lalampas sila, and susundan-sundan ka, isu-surveillance ka, I-background check ka, that is the time that the petitioner can ask for the remedy of writ of amparo or any writs,” ani Gonzaga
Tugon ito ni Gonzaga sa tanong ni House Deputy Minority Leader Rep. France Castro kung ano ang remedyo ng judiciary sa talamak na red-tagging.
“Ano naman po ‘yung remedies ng ating judiciary regarding doon sa red-tagging/ Talamak na ano na ‘to ‘no, na term lalong lalo na po doon sa mga aktibista, sa mga opposition , o hindi nga lang red-tagging,Mr. Speaker, terror-tagging. Kapag nagsaliyta ka lang, kumuwestyon ka nga ng kung anu-ano dito ay terrorist ka na. Lalo pa at nagkaroon ng kaso pati ‘yung mga judge ay nare-red tag na rin. So meron po bang nagawang renedy na ang Judiciary kaugnay dito sa red-tagging, Mr. Speaker?” ani Castro.
Inilabas kamakalawa ng Ombudsman ang guilty verdict laban kina dating anti-communist task force spokespersons retired Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. at dating Communications undersecretary Lorraine Badoy dahil sa reklamong inihain ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na red-tagging.
Sinabi ni Edre Olalia, chairperson ng National Union of People’s Lawyers (NUPL),kahit hindi natamo ng kanilang grupo ang ganap na tagumpay, dahil ang Respondents ay pawang wala na sa pamahalaan, isa itong malakas na warning shot dahil kaakibat nito ang matinding babala na kapag inulit nila ang red-tagging ay mas mabigat na parusa ang ipapataw sa kanila.