May seryosong karamdamang iniinda si Roger Pogoy, isang karamdaman na hindi idinidetalye ng kampo ng TNT at Gilas Pilipinas.
Kaya naman minabuti ni Gilas coach Tim Cone na huwag na palaruin ang dead shot wingman na naglaro para sa Pilipinas sa nakaraang FIBA World Cup.
Pero sa kasagsagan ng ensayo ng Gilas habang naghahanda para sa Asian Games, nag-collapse si Pogoy habang nageensayo.
Mas sensitibo ang kalagayan ni Pogoy kumpara sa injury na kanyang tinamo noong mga nakaraang buwan kung saan nabali ang kanyang daliri
Ibig sabihin nito, madadagdag si Pogoy sa linya ng mga key players na hindi makakapaglaro sa papalapit na PBA Commissioner’s Cup para sa koponan ng reigning Governors Cup champion na TNT.
Malabo na makapaglaro ang mga big men na sina Justin Chua at Poy Erram bunga ng kanilang knee injuries.
Nagkaroon ng injury sa kanyang Anterior Cruciate Ligament si Chua sa kanilabg sagupaan kontra Barangay Ginebra noong nakaraang Governors’ Cup championship series kung saan nanalo ang Tropang Giga.
Isang knee injury rin ang dahilan kung bakit hindi napabilang si Erram sa mga players na dapat makakalaro sa FIBA World Cup.
Tila desperado ang TNT sa pagkuha sa mga malalaking players para punan ang pwesto ng mga mawawalang players sa parating na PBA season sa 5 ng Nobyembre kaya naman isinakripisyo ng Tropang Giga ang kanilang first round pick sa Season 50 (2025) kapalit ni Henry Galinato, isang 6-foot-6 player na naglaro sa University of the Philippines sa UAAP noong nakaraang season.
Isinama rin sa trade package si Dave Marcelo kapalit ni Jewel Ponferada para makumpleto ang trade transaction.
Ayon kay Jojo Lastimosa, ang champion coach ng TNT na nagsisilbi ring team manager ng koponan, ang pagkuha kina Galinato at Ponferada ay bunga ng pangangailangan.
Pero mas malaking kawalaan sakaling hindi makakabalik kaagad si Pogoy, ang starting small forward ng koponan.
Sa inaasahang pagkawala ng mga naturang players, tila kailangang mag-doble kayod ni Rondae Hollis-Jefferson, ang Best Import noong nakaraang Governors’ Cup.
Maglalaro si Hollis-Jefferson sa TNT pagkatapos niyang gabayan ang national team ng Jordan sa papalapit na Asian Games kung saan makakaharap niya ang Gilas Pilipinas na pangungunahan ng mga naturalized players na sina Justin Brownlee at Ange Kouame.
Bukod sa PBA, lalahok rin ang TNT sa East Asia Super League.
Tila lubhang mas mahirap ang tatahaking kampanya ng Tropang Giga na kukulangin hindi lamang sa laki at tangkad gayundin sa kanilang opensiba.