Mistulang kutang militar ang isang bilangguan sa Venezuela dahil sa nakaparaming nakompiskang armas sa mga presong nagpapatakbo nito.
Matapos lusubin ng 11,000 pulis at sundalo ang bilangguan ng Tocoron sa Aragua State nitong Miyerkules at bawiin ito sa mga miyembro ng Tren de Aragua gang, nakumpiska rin sa mga preso ang mga granada, rocket launcher, sniper rifles at sintu-sinturong bala.
Nakuha rin ang mga makinang ginagamit sa pagmimina ng Bitcoin at mga motorsiklo.
Ang mismong pasilidad ay may swimming pool, mga kwarto sa pagsusugal, disco, baseball field, restoran at zoo.
Ang ilang bilanggo ay kasama ang kanilang asawa at kasintahan sa kulangan. Pinaalis ang mga ito.
Sinabi ni Interior at Justice Minister Remigio Ceballos na inaresto ang apat ng guwardiya ng bilangguan dahil umano sa pagiging kasabwat ng gang na nakatira roon.
Ginawang alipin ng gang ang ibang mga preso, ayon kay Ceballos.
Inilipat rin ang 1,600 bilanggo sa ibang piitan upang buwagin ang gang.
Kilala ng investigative journalist na si Ronna Risquez ang Tren de Aragua gang na gunagawa ng pagdukot, pagnanakaw, pagbebenta ng droga, prostitusyon, pangingikil, ilegal na pagminina ng ginto at pagpupuslit ng mga migrante.