Pinabulaanan ng China ang mga akusasyon ng Pilipinas na responsable ito sa pagkasira ng coral sa West Philippine Sea at hinimok ang huli na ihinto ang paglikha ng isang “political drama.”
“The Philippines’ accusations have no factual basis. We urge relevant party of the Philippines to stop creating a political drama from fiction,” sabi ni Mao Ning, spokesperson ng Chinese Foreign Ministry kahapon.
Hindi umimik si Mao nang hingan ng komento tungkol sa pahayag ng Office of the Solicitor General ng Pilipinas na pinag-aaralan nito ang posibilidad na magsampa ng bagong kaso laban sa China dahil sa pagkasira ng mga corals sa West Philippine Sea sa harap ng Permanent Court of Arbitration. .
Nitong weekend, iniulat ng Armed Forces of the Philippines Western Command (AFP Wescom) na nagkaroon ng malawakang pag-aani ng coral sa Rozul Reef at makalipas ang ilang araw, isang katulad na obserbasyon ang natagpuan sa seabed ng Escoda Shoal.
Parehong nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas ang Rozul at Escoda Shoal.
Ang ulat ng nawawala at nawasak na mga corals ay dumating kasunod ng mga nakitang Chinese maritime militia vessels sa lugar.
Hinala ng mga opisyal ng Pilipinas na ang coral destruction sa mga nasabing lugar ay bilang paghahanda sa reclamation activities ng China sa lugar.
Sa nakalipas na mga dekada, nagtayo ang China ng maraming artipisyal na isla sa West Philippine Sea, partikular sa Spratlys — sa Fiery Cross, Subi, Mischief, Johnson South, Cuarteron, Gave at Hughes reef.
Ang mga artipisyal na isla ay nagsisilbi na ngayon bilang mga military post ng China na may mga itinayong airstrip, istasyon ng radar, at mga missile site sa kanilang sarili.
Binatikos din ng Beijing ang Maynila dahil sa pagkabahala nito sa epekto sa kapaligiran ng pagkasira ng mga corals sa WPS.
Ayon kay Mao, dapat ay hinila ng Pilipinas ang “kinakalawang” na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kung ito ay tunay na nagmamalasakit sa kapaligiran.
“If the Philippines truly cares about the ecological environment of the South China Sea, it should tow away the illegally ‘grounded’ warship at Ren’ai Jiao as soon as possible, stop it from discharging polluted water into the ocean and not let the rusting warship bring irrevocable harm to the ocean,” aniya.
Ang BRP Sierra Madre, isang barko ng World War 2, ay sumadsad sa Ayungin Shoal mula noong 1999. Ito ay nagsisilbing permanenteng istasyon ng militar ng Pilipinas sa lugar bilang tugon sa iligal na pananakop ng China sa Panganiban Reef noong 1995.
Inangkin ng People’s Republic of China ang malawak na South China Sea, na sumasakop sa West Philippine Sea.
Noong 12 Hulyo 2016, nanalo ang Pilipinas sa arbitral case nito laban sa China sa Permanent Court of Arbitration – isang mahalagang desisyon na patuloy na tinatanggihan ng China.