May bagong gusaling pampaaralan ang Carlos M. Virrey National High School sa sa Bgy. Saraza sa Bayan ng Brooke’s Point.
Ang gusaling pampaaralang na may dalawang silid-aralan ay proyekto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Navy, Western Command at US Navy Forces para sa Department of Education (DepEd).
Ang nasabing proyekto ay sa pamamagitan ng Construction CIVIC Action Detail (CCAD) program ng US Navy para sa taong 2023 na bahagi rin ng operational engagement ng Naval Forces ng Pilipinas at ng Philippine Marines.
Isinagawa ang turn-over and blessing ceremony nito noong Setyembre 18, 2023.
Ayon kay USN-Detail Philippine Officer In-Charge LTJG. Ethan J. Lawlor, isang pribilehiyo para sa kanila ang makatulong at makapagbigay ng proyekto para sa mga mag-aaral at sa kinabukasan ng mga ito. Pinasalamatan rin niya ang mga ka-partner na ahensiya na sumusuporta upang maisakatuparan ang nasabing proyekto.
Ipinahayag naman ni Western Command (WESCOM) Commander VADM Alberto B. Carlos ang kaniyang kasiyahan na maging kabahagi sa ganitong proyekto.
Malugod na tinanggap at pinasalamatan naman nina PSDS South Brooke’s Point Paterno S. Marquez Jr. Ph.D. at SDS Elsie T. Barrios, Ph.D. ang biyaya na isang gusali na may dalawang silid-aralan para sa mga mag-aaral sa Carlos M. Virrey National High School.
Ayon naman kay Mayor Cesareo R. Benedito Jr. lubos na nagpapasalamat ang pamahalaang lokal ng Brooke’s Point sa patuloy na pagdating ng nga biyaya at katugunan sa pangangailangan ng mga paaralan sa bayan katulad ng school building at sa mabilis na pagtayo nito dahil kapaki-pakinabang ito sa mga mag-aaral at sa mga susunod na henerasyon.
(PIA)