Nananatiling ‘generally peaceful’ ang lalawigan, batay sa kabuuang pagtaya ng mga bumubuo ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) na nagdaos ng 3rd Quarterly Meeting sa Mamburao noong Setyembre 19.
Sa ulat ng Police Provincial Office (PPO) ay inihambing ang mga insidente ng krimen mula unang araw ng Hulyo hanggang katapusan ng Setyembre ng 2022 sa parehong panahon ngayong 2023.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel (PLTCOL) Wilson Cuevo, bumaba ang mga paglabag sa Index, Non-Index at Special Laws ng 56.85% o 85 na kaso ngayong taon kumpara sa naitalang 197 noong 2022. Nakapagtala rin ng bahagyang pagbabago sa Public Safety Indicator kung saan 40 vehicular accidents ang naitala noong 2022 habang 39 naman ang insidente ngayong taon.
Kabilang sa index crimes ang murder, homicide, physical injury, rape at iba pa. Itinuturing namang non-index crimes ang sexual assault, grave threats, acts of lasciviousness at iba pa samantalang nakapaloob sa Special Laws ang mga kaso ng child abuse, VAWC, bouncing check at iba pa.
Sa Index crimes o Focus Crimes, naitala sa reference period ngayong taon ang limang kaso ng panggagahasa at limang kaso ng pagnanakaw; may isang kaso ng motornapping at dalawang kaso ng pananakit o physical injury. Sa 13 kaso na ito, anim ay naganap sa bayan ng San Jose, tatlo sa Rizal, dalawa sa Sablayan, at tig-iisa naman sa mga bayan ng Sta. Cruz, Mamburao, at Magsaysay. Noong 2022, naitala ang kabuuang 33 kaso sa index crimes.
Sinabi ng PPO na malaki ang naitulong ng police visibility sa pagbaba ng insidente ng krimen sa lalawigan. Malaking tulong din ang kanilang palagiang pagbisita sa mga barangay, pagpapalakas sa Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATS), at pagpapatibay ng kanilang ugnayan sa mamamayan.
(PIA)