Dahil sa inisyatibo ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng lungsod na ito, nabiyayaan ang limang bata ng wheelchair katuwang ang isang grupo mula sa pribadong sektor na isinagawa sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) noong Setyembre 21.
Ayon kay City PDAO Head Benjamin Agua, Jr., limang kabataan na may celebral palsy mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod ang nabigyan ng bagong wheelchair galing sa grupo ng Mason Laong Laan Lodge No. 185 na siyang tumutulong sa pangangailangang materyal ng mamamayan partikular ang mga may kapansanan.
Pinamunuan ni Dr. Ronald Cabral ng nasabing grupo at sinabi nito na “Ang aming adbokasiya sa Mina De Oro Mabuhay Shriners Club na isang kilalang organisasyon ang magbigay ng tulong sa mga burn o mga hindi makalakad na mga bata. Hindi lamang wheelchair ang maaari naming itulong kundi pati na rin sa operasyon, gamot at ilang cash assistance kung kinakailangan.”
Sa temang ‘Pa-wheelchair ni Pepe,’ ay nagkaloob sila ng kabuuang 15 wheelchair para sa mga may kapansanan na naka confine sa OMPH at ilan pang samahan na nangangailangan nito.
Lubos naman ang pasasalamat ni PDAO Head Benjie Agua kay Dr. Cabral dahil sa tulong na ipinagkaloob sa mga may kapansanan sa lungsod at handa pang magbigay sa iba pang mga kapos palad na hindi kayang bumili ng nasabing assistive device.
(PIA)