Limampu’t isang taon na ang nakalipas, nabalot ng takot, malawakang panunupil ang buong bansa, pinatahimik ang mga boses ng mamamayan at niyurakan ang kanilang mga karapatan.
Walang narinig ni isang salita mula sa Malakanyang kahapon para patunayan na ang administrasyong Marcos Jr. ay iba o kabaligtaran ng rehimeng Marcos Jr.
Madali bang kalimutan ang “3,257 extrajudicially killed, 35,000 tortured, 70,000 unjustly detained and close to 1,000 persons involuntarily disappeared” para lamang iligtas daw ang bansa at makapagbuo ng bagong lipunan?
Sa katunayan, nais noon ni Marcos Sr. na manatili sa kapangyarihan at sinalakay pa nga ang kaban ng bayan, nagkamal ng yaman para sa kanyang pamilya at cronies, habang nakalugmok sa kahirapan ang mayorya sa mga Pinoy.
Ito ay isang panahon ng walang humpay na paniniil at katiwalian sa ating kasaysayan na hindi natin dapat kalimutan, at higit sa lahat, hindi na dapat pahintulutang mangyari muli.
Ngunit parang nahaharap na naman tayo sa kasalukuyan sa parehong uri ng panunupil sa pagpapatupad ng mga batas kontra-terorismo na mahalagang instrumento ng batas militar.
Gaya ng mga mapaniil na Marcosian presidential decrees ng nakaraan, ginagamit ang mga naturang batas upang patahimikin ang mga kritiko at pigilan ang protesta.
Sa pagkasiwalat ng “bulok” na counter-insurgency strategy ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) nang ibisto na nasa likod ito sa pagdukot sa dalawang environmental activists na sina Jonila Castro at Jhed Tamano, dapat ay gamitin na itong dahilan ni Marcos Jr. para buwagin ang task force.
Halos dalawang linggo makaraan ang kaso nina Tamano at Castro, dinukot din sina Bea Lopez, isang 26-year-old peasant organizer, at Peter Agravante, tricycle driver, sa Negros Occidental ng mga armadong lalaki na hinihinalang mga ahente ng estado.
Natagpuan ang bangkay ni Agravante makaraan ang dalawang araw, habang nawawala pa rin si Lopez.
Maraming political activists at tagapagtaguyod ng human rights defenders ang basta na lamang dinarakip at tinatatakan bilang terrorist, sinasampahan ng kasong kriminal at ang kanilang personal assets at properties , gayundin ang kinabibilangang organisasyon ay isinasalang sa civil forfeiture proceedings.
Maraming nabiktima ang taktikang ito ng administrastong Marcos Jr. gaya ng community journalists, indigenous at peasant leaders sa Southern Tagalog, Cordillera at Mindanao, kabataang human rights defenders sa Southern Tagalog, church leaders at workers sa Southern Tagalog, Bohol, Davao at Northern Mindanao gayundin ang mga mula sa Rural Missionaries of the Philippines.
Sa ganitong kalagayan, walang mapagpipilian ang mga mamamayan kundi manindigan at labanan ang nakaambang bagong “diktadura.”
Naigpawan ng bayan ang kalupitan ng ama at kanyang mga alipores, nasa harap na natin ngayon ang mabigat na dahilan para manawagan sa pagbasura sa P10.14 bilyong confidential and intelligence funds (CIF) na nakapaloob sa pambansang budget sa 2024.
Ang pondong ito ay tiyak na gagamitin sa pagtatayo ng isang malawak na network ng mga impormante sa burukrasya bilang pagtalima sa mapanupil at terrorist mandate ng NTF-ELCAC.
Para maging mapayapa at maunlad ang Pilipinas, kailangang tiyakin ng pamahalaan ang proteksyon ng kanyang mamamayan batay sa ‘human rights, justice and accountability.”