Todo ang pagsusumikap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na “patayin ang sunog” na kanilang nilikha nang ikanta sila bilang kasama sa mga dumukot sa dalawang aktibista.
Hindi magkandatuto ang NTF-ELCAC sa kaliwa’t kanang press release para ipagtanggol ang kanilang kapalpakan at sirain ang kredibilidad nina Jonila Castro at Jhed Tamano.
Harap-harapang ibinisto nina Castro at Tamano na hindi sila mga rebeldeng komunista na sumuko gaya ng gustong palabasin ng NTF-ELCAC, bagkus sila ay dinukot at sa loob ng 16 na araw sa kustodiya ng militar, may piring ang kanilang mga mata at walang habas na interogasyon ang ginawa sa kanila.
Sa loob ng panahong ito’y wala ni isa man sa kanilang kaanak, abogado, kaibigan at kagrupo ang nakausap nila.
Kaya’t ang pagsisiwalat ng tunay na nangyari sa kanila’y malabong sabihin na ‘scripted’ at lalong hindi matatawag na ‘brainwashing’ ng komunistang grupo ang pagsusulong ng adbokasiyang pangangalaga sa kalikasan.
Kung ipipilit ng mga kinauukulan na masama ang adbokasiya ng AKAP Ka Mla Bay na pagkontra sa mga proyekto sa Manila Bay, samakatuwid masama pala ang ginawang pagpapatigil Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng reclamation projects sa buong bansa?
Ano kaya ang tawag ng NTF-ELCAC sa pagpalag ng US Embassy sa reclamation projects malapit sa embahada na isinusulong ng kompanyang Tsino?
Napakaraming kontradiksyon sa usaping ito kaya’t hindi na tayo magtataka kung may mawawala sa puwesto o may task force na bubuwagin si Pangulong Marcos Jr. sa mga susunod na araw.
Kung sinseridad ang pag-uusapan sa isyu ng inaasahang pagbuhay muli sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Communist Party of the Philippines – New People’s Army- National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP), mukhang dapat manalamin muna ang administrasyong Marcos Jr. bago magtangkang humarap sa negotiating table.