Mistulang sinampal ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng dalawang environmentalist na kanilang iniharap sa press conference sa Plaridel Municipal Hall, nang ibisto na dinukot sila ng militar at hindi sumukong mga rebeldeng komunista.
“Ang totoo po ay dinukot kami ng militar. Napilitan din kami na sumurender dahil pinagbantaan ang buhay namin. Iyon po ang totoo,” sabi ni Jonila Castro, isa sa dalawang environmentalist na dinukot ng militar noong 2 Setyembre 2023.
“Hindi rin namin ginusto na mapunta kami sa kustodiya ng mga militar. Hindi rin totoo ang laman ng affidavit dahil pinirmahan iyon sa loob ng kampo ng militar. Wala na kaming magagawa sa mga pagkakataon na iyon,” dagdag niya.
Kasama si Jhed Tamano ni Castro nang dukutin at puwersahang papirmahin sa isang affidavit na nagsasabing sila’y rebel surrenderers.
Ang kanilang mga pahayag ay nagpasinungaling sa naunang pahayag ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na ang dalawang babae ay “safe and sound” sa ilalim ng kostudiya.
Sinabi ni Tamano noong gabi ng 2 Setyembre, habang naglalakad aniya sila ni Castro ay biglan silang dinukot.
Isang sports utility vehicle (SUV) aniya ang tumigil sa harap nila, tinakot at tinangay sila.
Buong akala nila ay sindikato ang kaharap nila ngunit kilala sila ng mga ito.
Hindi na naituloy ni Tamano ang kanyang salaysay at napabuntung-hininga ng malalim
Pinanindigan ng NTF-ELCAC at mga opisyal ang kanilang bersyon na “tinutulungan” lamang nila ang mga aktibista at biktima pa anila ng mga terorista sina Castro at Tamano.
“I think we have heard enough,” sabi ng host ng press conference matapos magbigay ng kanyang final remarks si Plaridel Mayor Jocell Vistan Casaje.
Nabatid na burado na sa NTF-ELCAC facebook page at sa Facebook page of the Plaridel Municipal Hall ang video ng nasabing press conference.
Kaugnay nito, nagbabala si Cristina Palabay, secretary-general ng human rights group Karapatan, na dapaty palayain sina Tamano at Castro at posibleng maharap pa sa mga kasong illegal detention, coercion, and psychological torture ang mga militar.
“They should be safely released, be met by their parents, legal counsels, friends, and fellow human rights defenders who have been searching for them since the day of their abduction,” ani Palabay.
Kinuwestiyon ni Edre Olalia, chairperson ng National Union of Peoples’ Lawyers, ang legalidad ng pag-kostodiya sa dalawang environmentalist.
“There is no legal basis to hold them any second longer and they should be freed forthwith and if restrained illegally, can walk away from their custodians.”
Pinuri ni Gabriela Representative Arlene Brosas ang tapang nina Tamano at Castro.
“We commend their bravery in spilling the truth even in the midst of military generals and red-taggers, even as we express grave concern for their safety and security following their disclosure,” wika ni Brosas.
Naging tampok aniya sa press conference ang pasismo ng gobyerno laban sa mga aktibista na nagpo-protesta lamang laban sa big-ticket reclamation projects in Manila Bay.
Si Castro, 21, ay isang psychology major sa Bulacan State University, at community volunteer ng grupong AKAP KA Manila Bay, isang alyansa ng mga mamamalakaya, kabataan, at church members.
Si Tamano ay program coordinator para sa Ecumenical Bishops Forum at isang business economics graduate sa Bulacan State University.
Para sa Philippine Universal Periodic Review (PUPR) Watch, dapat itigil na ng pamahalaan ang “roadshow “ ng rebel returnees kasabay ng pagtiyak na na idudulog nila ang kaso nina Tamano at Castro sa 54th UN Human Rights Council (UNHRC) session.
Nanawagan din ang grupo sa administrasyong Marcos Jr. na itigil na ang pag-atake sa mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Pasado alas-siyete kagabi ay pinalaya
Na sina Castro at Tamano.
Nagpasalamat sina Castro at Tamano sa lahat ng mga grupo at indibidwal na nagkampanya para sa kanilang paglaya.
Panawagan din nila na palayain lahat ng biktima ng sapilitang pagkawala.