Hindi matatawaran ang antas ng krisis sa pang-ekonomiya at panlipunan na sumalubong sa mga guro, kawani at sambayanan ngayong 2023.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, masahol ang karalitaan at gutom na dinaranas ng mamamayan dahil sa pagsirit ng inflation at kawalan ng makabuluhang dagdag-sahod.
Sa harap ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya na pinakamalala mula Great Depression noong 1930s, walang kalaban-laban ang ekonomiya ng Pilipinas na atrasado, walang batayang industriya at winasak ang lokal na agrikultura at produksyon ng deka-dekadang neoliberalismo.
Pinakamalupit ang epekto nito sa mga magsasaka, manggagawa, at kawani na nawawalan ng hanapbuhay, tinatanggal sa trabaho, binabarat ang sweldo, at pinatitindi ang pagsasamantala.
Sa halip na bigyan ng luwag ang gipit na mamamayan, hinahayaan ng rehimeng Marcos na salantahin ng krisis ang sambayanan.
Ayaw nitong umaksyon para kontrolin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at tumatangging tanggalin ang value added tax (VAT) sa mga batayang pangangailangan.
Hindi kumikibo ang pamahalaan sa kahilingang para sa makabuluhang umento,sa halip, tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran ng pribatisasyon, liberalisasyon at deregulasyon.
Sunud-sunod ang overseas trips ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa anggulo para ibenta sa mga dayuhan ang murang lakas paggawa ng mga Pilipino, mag-engganyo ng dayuhang puhunan at isubasta ang mga pag-aaring publiko at likas na yaman.
Kabi-kabila rin naman ang lamyerda at maluluhong party ng Pangulo at kanyang pamilya.
Ibinuhos ang pambansang badyet sa 2023 sa imprastraktura at mga proyektong para sa pakinabang ng dayuhan at bulnerable sa korupsyon, gayundin sa militarisasyon at confidential/intelligence funds.
Samantala, kapos na kapos ang laan sa serbisyong panlipunan na higit na kailangan ng mamamayan sa gitna ng krisis.
Walang aasahang makabuluhang reporma sa edukasyon na sadsad sa krisis sa gitna ng pandemya.
Sa halip na resolbahin ang learning crisis ang prayoridad nina Marcos at Sara Duterte sa edukasyon ay pagbabalik ng ROTC, pagpapalala ng panunupil sa paaralan at pagrepaso sa K-12 para palakasin pa ang kolonyal na katangian nito, kasama na ang diin sa wikang English bilang wikang panturo.
Dahil sa kawalan ng sapat ng pondo at paghahanda, dagdag na gastos at ibayong bigat ng trabaho ang dinanas ng mga guro sa pagbalik sa 100% face-to-face classes.
Mistulang ipinataw naman ang Martial Law sa DepEd sa DepEd Order 34 na nagbubusal sa malayang paghahayag ng mga hinaing at problema hinggil sa edukasyon.
Huling taon ngayong 2023 ng implementasyon ng barat at mapanlansing Salary Standardization Law V ni dating Pangulong Duterte.
Malinaw na walang napala ang mga guro at kawani rito.
Ang baryang umento ay inubos lamang ng tumaas na singil sa mandatory contributions at buwis.
Kulang pa para saluhin ang napakataas na implasyon.
Pinalala lamang ng Salary Standardization Law (SSL V) ang inhustisya at distorsyon sa sistema ng pagpapasweldo sa pamahalaan.
Sa ganitong konteksto, ang pakikibaka para sa makabuluhang dagdag-sweldo ay wasto, kagyat at kinakailangan.