“Basta ang alam ko, wala akong alam “.
Klasikong linya ito ni dating Executive Secretary Eduardo Ermita sa isang press briefing sa Palasyo noong administrasyong Arroyo.
Masaya na may halong lungkot kapag muling binabalikan ang nakalipas.
Masaya dahil sa nabuong magagandang alaala pero may lungkot na mararamdaman sa pagkasabik na sana’y maulit ang masasayang nakaraan sa iyong buhay.
Ganito ang naramdaman ko sa muli naming pagkikita ni Ermita sa kanilang tahanan sa Balayan, Batangas.
Umupo sa puwesto si Ermita sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na isa sa mga bahagi ng aking coverage sa loob ng anim na taon.
Kabilang ako sa naimbitahan ng dating kalihim bilang mga dating miyembro ng Malacanang Press Corps kasama ang mga batikang Palace reporters na sina Abel de Leon ng Manila Bulletin , Rose Novenario ng Dyaryo Tirada at dating Philippine Star journo Paolo Romero.
Nagkaroon kami ng pagkakataon na mabisita ang mini museum ni Ermita sa Balayan kung saan makikita ang memorabilia ng kalihim simula noong bata hanggang sa pasukin ang military service at maging opisyal ng pamahalaan.
Sa kanyang museum ay makikita kung gaano naging masaya at makulay ang buhay ni Ermita, ang lahat ng mga tinamo niyang parangal at pagkikilala sa ilang dekadang serbisyo publiko.
Naging tampok para sa aming mga mata ang larawan noong siya’y naging boksingero sa kanyang kabataan.
Nag-sideline pala siya bilang gasoline boy noong edad 14-anyos sa gasolinahan sa kanilang bayan.
Ngunit sa kabila ng kanyang inabot na mataas na posisyon sa gobyerno , naging malapit siya sa media, approachable.
Malaki ang naitulong ng karisma ni Ermita para mailapit ang media kay dating Pangulong Arroyo.
Nagkaroon ng regular press briefing si Ermita sa New Executive Building (NEB) tuwing Miyerkules na lagi naming inaantabayan.
Nakita ko sa mga mata ni Ermita ang tuwa nang muli niyang makasama at makahuntahan kami na palagiang humihingi ng panayam sa kanya noong administrasyong Arroyo.
Naging tampok na paksa sa aming kuwentuhan ay ang matitinding hamon sa kanilang pamunuan at sa amin bilang mga mamamahayag.
Kabilang rito ang mga tangkang pagpapabagsak sa dating administrasyong Arroyo, gaya ng tinawag na “Edsa Tres.”
Ayon sa kanya, bukod sa “Edsa Tres”noong April 2001, hinarap ng Arroyo administration ang anim na iba pang destabilisasyon laban sa kanilang pamunuan.
Ipinaalala namin kay Ermita ang hindi makakalimutan ng Palace reporters na classic na sagot niya sa press briefing na “Basta ang alam ko, wala akong alam.”
Napangiti ang dating kalihim at tinanong kung kumusta na ng iba pang kasamahan namin na nag-cover sa kanila ni dating Pangulong Arroyo.
Masarap balikan ang mga pangyayari sa pagganap ng inyong trabaho bilang mamahayag.
Masasabi ko na isa si Ermita sa mga dating opisyal ng pamahalaan na tumulong para magampanan namin ng maayos ang aming trabaho sa larangan ng pagbabalita.
Mahigit isang dekada na ang lumipas, hindi na maibabalik ang nakaraan pero ang nabuong magandang samahan at maaaksyong alaala ang nagpatatag sa amin sa industriya at lalong nagtatak sa aming puso at isipan sa dedikasyon sa tunay at malayang pamamahayag sa isang demokratikong lipunan.