Balak ng Bureau of Customs na gawing donasyon sa ilang ahensya ng pamahalaan ang nakumpiskang puslit na imported rice na nagkakahalaga ng P42 milyon.
Inihayag ni Benito Lontok, hepe ng BoC-Port of Zamboanga, ang planong i-donate ang 42,180 sakong bigas para sa pagpapatupad ng Kadiwa Program ng Department of Agriculture at para sa assistance program ng Department of Social Welfare and Development.
Ngunit ipapa-approve pa ang plano kay BoC Commissioner Bienvenido Rubio at Finance Secretary Benjamin Diokno, ayon kay Lontok.
Nakumpiska ang nasabing bigas sa isang warehouse sa Barangay San Jose Gusu, Zamboanga City nang ito’y salakayin ng mga tauhan ng pamahalaan dahil sa hinalang smuggled ang mga ito.
Bagama’t nakapagpakita ang may-ari ng warehouse, BLY Agri-Venture Trading, ng import documents, hindi tugma ang mga nakasaad dito at sa bigas na naroroon.
Sa record ng mga binayad, tinutukoy ang puting bigas na durog ng 15 porsyento samantalang sa pisikal na pagsusuri ay napag-alamang Jasmine Fragrant Rice ang mga ito, sabi ni Lontok.
Wala ring kaukulang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance ang warehouse mula sa Bureau of Plant Industry.
May mga paglabag din sa Customs Modernization and Tariff Act, Rice Tariffication Law, at Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Nag-isyu kami ng warrant of seizure at detention sa mga kargamento noong 1 Setyembre na kalaunan ay na-forfeit pabor sa gobyerno.
Magsasagawa pa ng ibang inspeksyon ng mga warehouse ang BoC alinsunod sa kautasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sawatain ang mga nagtatago ng mga bigas o umaangkat nito ng ilegal.
Noong nakaraaang buwan, tatlong warehouse sa Bulacan ang sinalakay ng mga taga-BoC dahil sa pagtatago ng P500-milyong halaga ng imported rice.