May natatanggap na P15,000 na financial assistance mula sa pamahalaang nasyunal ang mga maliliit na rice retailers dahil sa kanilang pagsunod sa price ceiling na ipinatutupad ng gobyerno bunsod ng pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.
Naglabas ang Malakanyang ng Executive Order 39 upang mapigilan ang mga hoarder o mga negosyanteng ilegal na nag-iimbak ng bigas at tugunan ang krisis na hinaharap ng ating bansa.
Ayon sa EO 39, ang regular-milled at well-milled na bigas ay dapat nagkakahalaga lamang ng 41 hanggang 45 piso kada kilo. Subalit hindi po iyan sapat para maibsan ang economic impact dulot ng price ceiling sa bigas na ipinatutupad ng pamahalaan. Kumbaga wala na halos kikitain dito ang mga maliliit na rice retailers dahil mataas na rin ang bili nila sa mga bigas mula sa mga suppliers.
Kaya naman may mga local government unit na nagbigay din ng karagdagang cash assistance sa mga manininda ng bigas sa kani-kanilang lungsod. Isa na riyan ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan. Si Mayor Francis Zamora ay namahagi ng tig-limang libong piso sa mga rice retailers sa lungsod at nagbigay ng isang buwang libre sa renta sa puwesto nila sa Agora Market. Nasa 48 ang mga rehistradong small rice retailers ng San Juan.
Ito ang tugon ng lokal na pamahalaan sa kasalukuyang pagsubok na kinakaharap ng mga micro rice retailers matapos gawing epektibo ng pambansang pamahalaan ang price ceiling sa regular at well-milled rice sa buong bansa.
“Maraming salamat po sa pagtalima sa EO 39. Maraming salamat po dahil dito sa Agora Market, walang nag-violate sa price ceiling. Hindi lamang dito sa palengke kung hindi pati sa ibang lugar sa lungsod,” pahayag ni Zamora.
“Naintindihan ko po ang sitwasyong ng rice retailers. Marami sa inyo nabili ang bigas sa mataas na presyo ngunit sumuporta pa rin kayo sa EO 39. Gusto ko ring sabihin sa rice retailers from San Juan that the local government unit will add an additional P5,000.”
Nagbahagi rin ng financial assistance at iba pang kaluwagan ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa 149 registered micro rice retailers ng lungsod.
Bukod sa pamamahagi ng P5,000 cash assistance bilang immediate financial relief, nilagdaan at pinagtibay din ni Mayor Marcy Teodoro ang dalawang ordinansa na nagbibigay ng tax amnesty at tax incentives sa mga rice retailers ng lungsod.
Ayon sa Ordinansa 68, Serye ng 2023, hindi muna pagbabayarin ng renta o upa ang mga micro rice retailers sa Marikina Public Market sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre ng taong 2023.
Nakasaad naman sa Ordinansa 69, Serye ng 2023 na hindi muna pagbabayarin ng business tax sa ikatlo at ikaapat na bahagi ng taong 2023 kung kailan epektibo ang price cap. Samantala, ang mga nauna nang nagbayad ng business tax para sa nasabing panahon ay pagkakalooban ng tax credit..
“Mapalad tayo sa Marikina dahil ang ating mga retailers ay maayos, may disiplina, at sumusunod sa panuntunan. Ganoon pa man, sa kanilang pagsunod sa panuntunan, marami sa kanila ang nakakaranas ng pagkalugi kaya tayo ay kumonsulta sa ating Sangguniang Panlungsod upang makapagbigay ng tulong habang umiiral ang panuntunang ito,” paliwanag ni Mayor Teodoro.
Dapat tulong-tulong ang mga departamento sa national level at pamahalaan sa local level upang masolusyunan ang ganitong problema ng bansa. Whole-of-government approach, ika nga.