Mas magaling ako sa kanya sa bilis, technique at stamina.
Ito ang sinabi ng Hapones na si Takuma Inoue, ang World Boxing Association bantamweight champion at kapatid ng boksingerong tinaguriang “Monster,” nang ianunsyo ang kanyang laban sa Pilipinong challenger na si Jerwin Ancajas.
Ang 27-taong-gulang na Inoue ay may record na 18 panalo at isang talo bago sila magbubugan ni Ancajas sa Ryogoku
Kokugikan arena sa Tokyo sa 15 Nobyembre.
Ang laban ay unang depensa ni Inoue sa kanyang WBA 118-pound titulo na nasungkit niya nitong Abril.
Lamang si Inoue sa bilang ng pumapabor sa kanya.
Si Ancajas, 31, ang hari ng International Boxing Federation super-flyweight category mula 2006 hanggang 2022. May record siyang 34 panalo, tatlong talo at dalawang draw, na may 23 knockout.
Nagsasanay si Ancajas sa Las Vegas at tutuntong sa Hapon sa Nobyembre upang magpakondisyon sa klima roon.
Tatangkain ni Ancajas na tapusin ang sunud-sunod na talo ng mga Pilipinong boksingero sa mga nakalipas na title fights.
Kabilang sa mga natalong boksingero mula pa noong Mayo sina Melvin Jerusalem, Jade Bornea, Regie Suganob at Garren Diagan.
Tanging si Marlon Tapales ang nagwagi sa kanyang laban ngayong taon nang maging unified world superbantamweight champion siya nitong Abril. Tinalo niya via split decision si Murodjon
Akhmadaliev ng Uzbekistan sa San Antonio, Texas.
Hawak ngayon ni Tapales ang WBA at IBF 122-pound belt at naghahanda para sa laban nila ni Naoya Inoue, ang World
Boxing Council at World Boxing Organization champion.