Inaasahang dalawang pisong taas-presyo ng kada litro ng diesel at gasolina ang susunod na kakaharapin ng mga tsuper ng mga jeepney.
Dahil rito, naghahanap ng solusyon ang mga tsuper upang makatipid sa krudo at may matira pa sa kanilang kita sa pamamasada.
Isa na rito ang mga naimbentong fuel additives na ipinakilala kamakailan sa mga tsuper.
Ang Wonderlube ni Ricky Punzalan, Nuvitron ni Patricio Cabauatan at Highmax Turbo Power Simulator ni Jun de Jesus ay ibinalita kahapon ng “Patrol ng Pilipino” sa YouTube.
Ang Wonderlube ay lubricant na nagbabawas ng friction sa loob ng motor upang masulit ang gasolina. Binabawasan rin nito ang magastos na pagpapa-oil change.
Ang Nuvitron naman ay nagpapatipid sa paggamit ng gasolina nang hanggang 30 porsyento.
Samantala, ang Highmax naman ay nagpapabilis sa takbo ng sasakyan kahit hindi tinatapakan ang gas pedal. Bukod sa mababawasan ang gamit ng krudo, malinis rin ang binubugang usok ng tambutso.
Ang mga naturang produkto ay tinest ng mga taga-Land Transportation Office nitong ika 15 ng Agosto. Sa resulta ng emission test ng isang jeepney na ginamitan ng nasabing tatlong produkto, ang 4.57 unang score nito ay naging 1.71 na lang. Kaya naman approve sa mga nagmamaneho ang mga imbensyong Pilipino.
Nagkakahalaga ng P24,000 ang tatlong produkto, presyong sinasabing mas mura kaysa sa ibang paraan ng pag-comply sa modernization program ng pamahalaan.
Isang tsuper na nakasaksi sa testing ng mga produkto ang nagsabi na nanaisin nilang gumamit ng mga produkto basta hindi papalitan ng bagong unit ng sasakyan na nagkakahalaga ng mahigit P2 milyon ang kanilang tradisyunal na jeepney.
Ayon naman kay Transportation Secretary Jaime Bautista, kailangan pang pag-aralan ng mabuti ang mga produkto kung tunay ngang epektibo ang mga ito bago i-promote at pondohan ng gobyerno ang produksyon at pamamahagi nito.