Ipinagbawal sa Baguio City ang mga alak malapit sa pagdarausan ng 2023 Bar Examinations mula 20 hanggang 24 ng Setyembre.
Ang pagbabawal ay iniutos ni Mayor Benjamin Magalong upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga kukuha ng exam.
May 1,049 ang inaasahang mag-e-exam sa St. Louis University, ayon kay Baguio City legal officer Althea Alberto.
Nakapaloob ang pagbabawal ng alak sa Executive Order 118. Batay dito, magsisimula ang liquor ban hatinggabi ng ika-16 ng Setyembre hanggang alas-10 ng gabi ng 17 Setyembre.
Ang sunod na liquor ban ay ipatutupad hatinggabi ng 19 Setyembre hanggang alas-10 ng gabi ng 20 Setyembre.
Ang huling liquor ban ay mula hatinggabi ng 23 Setyembre hanggang alas 10 ng gabi ng 24 Setyembre.
Batay sa EO, sakop ng liquor ban ang lahat ng lugar na nasa distansyang 50 metro mula sa SLU. Bawal ang pagbenta, pamamahagi at pagbibigay ng alak at anumang alcoholic beverage.
Ang mga kaukulang departamento ay inatasang siguruhin ang ligtas, mapayapa at maayos na pagsusulit.
May 14 na testing center para sa 2023 Bar Exam sa buong bansa. Anim dito ay nasa Metro Manila, isa sa Luzon, isa sa Visayas at dalawa sa Mindanao.