PUERTO PRINCESA CITY, Palawan — Nabahala ang Western Command sa Palawan sa pagbabalik ng Chinese maritime militia vessels sa tatlong erya sa West Philippine Sea.
Nabatid ang “comeback” sa pinakahuling aerial surveillance missions na nakapagtala ng 30 maritime militia vessels ng China sa Rozul (Iroquios) Reef, Escoda (Sabina) Shoal, at Baragatan (Nares) Bank
Sa isinagawang aerial patrols noong Setyembre 6 at 7 nakita ang 23 militia vessels sa Iroquios Reef, lima sa Sabina Shoal, at dalawa sa Nares Bank, ayon kay Wescom spokesperson Commander Ariel Joseph Coloma.
Batay aniya sa pagtataya ng Wescom sa mga larawan mula sa aerial patrols, ang tatlong erya ay nakararanas ng pagtaas ng Chinese swarming activities.
“The expanded presence of Chinese fishing vessels raises alarms regarding its potential impact on the Philippines’ maritime security, conservation of fisheries, territorial sovereignty, and the protection of the marine ecosystem. These actions have been a root cause of tension in the West Philippine Sea (WPS) and have added to the instability in the area,” sabi niya.
Sa Sabina at Iroquios lagi isinasagawa ang Chinese surveillance at monitoring ng Philippine vessels, lalo na kapag may rotation and resupply missions (RoRe).
Paulit-ulit aniyang pagkukumpulan ng Chinese fishing vessels ay malinaw na indikasyon ng patuloy na pambabastos sa soberanya at hurisdiksyon ng Pilipinas sa boundary sa kanluran.
“While Chinese swarming activity makes a comeback, the Philippines remains committed to staying alert and implementing essential measures to protect its crucial national interests and preserve regional stability,” dagdag niya.
Binigyan diin niya ang kahalagahan ng kooperasyon ng defense forces, law enforcement agencies, at international partners sa pagtugon sa mga hamon.
Ang ganitong uri ng kolaborasyon ay mahalaga sa pagbabantay sa soberanya, hurisdiksyon ng Pilipinas at pagsusulong ng katatagan sa rehiyon.
Noong 24 Agosto ay naitala ng Philippine Navy ang pagkukumpulan ng 33 Chinese militia vessels sa Iroquios Reef.
Ilang beses aniyang kasabay ng swarming activities sa mga erya ay ang mga ulat ng malawakang coral harvesting kaya’t nakababahala ang malaking epekto nito sa kalikasan.
Naglabas ng ebidensya noong Agosto si Vice Admiral Alberto Carlos, commander ng Wescom, na nagkompirma na ang Chinese vessels na madalas sa WPS ay militia vessels na nagpapanggap bilang fishing boats at pinangangasiwaan ng Chinese Coast Guard authorities ang operasyon.
Ani Carlos, hanggang noong 9 Agosto ay umabot sa 80% ng 400 foreign vessels na pumasok sa WPS ay militia vessels ng China.