Nasa 27 bilanggo o Persons Deprived of Liberty (PDL) mula sa Marinduque Provincial Jail at Boac Jail Management and Penology (BJMP) ang tumanggap ng hygiene kits at tsinelas sa isinagawang outreach program ng Philippine Councilors League (PCL) Marinduque-Chapter.
Ang ‘Care Beyond Bars’ ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-33 taong pagkakatatag ng Philippine Councilors League na may temang PCL: Synergy of Creative Programs and Best Practices Towards Global Collaboration.
Ayon kay Konsehal Mark Angelo Jinang, Secretary General ng PCL-Marinduque Chapter, layunin ng gawain na kumustahin at pasayahin sa maikling panahon ang mga bilanggo na kasulukuyang nakapiit habang naghihintay sa tuluyan nilang paglaya.
Dumalo naman sa gawain ang iba pang mga konsehal mula sa bayan ng Boac, Gasan, Buenavista at Santa Cruz kasama si PCL-Marinduque Chapter President Jose Neryl Manggol. Dumalo din upang magbigay ng suporta si Mayor Armi Carrion na nagpaabot ng mensahe para sa mga bilanggo.
Sinabi ni Carrion na ang mga PDL ay may karapatan sa kanilang pangalawang pagkakataon. Itinuring din niya ang gawain bilang hakbang patungo sa rehabilitasyon at reintegrasyon sa lipunan.
“Hindi po dahil kayo ay naririto ay dito na nagtatapos ang direksyon ng inyong buhay. Ang buhay ng tao ay talagang susubukin ng mga pagkakataon ngunit ito rin ay oportunidad upang mas mapalapit, patuloy na tumawag tayo sa Panginoon at huwag mawalan ng pag-asa. Alam ko na matatapos din ang lahat ng ito at sa susunod nating pagkikita, ipagdarasal ko na kasama na ninyo ang inyong pamilya sa labas ng piitang ito,” pahayag ng alkalde.
Sa pagtatapos ng programa ay nagkaroon ng pamamahagi ng pagkain at videoke contest para sa mga bilanggo kung saan ay kanilang ipinamalas ang galing at husay sa pag-awit ng iba’t ibang genre ng musika.
(PIA)